2 sa mga batang tinangay ng agos sa Bulacan, natagpuan na

Narekober na ang labi ng dalawa sa limang kabataang tinangay ng rumaragasang agos habang naliligo sa Marilao River noong Agosto 10, habang patuloy ang ginagawang search and and retrieval operation ng Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRMMO).

Sa Situational Report ng PDRRMO, unang narekober sa Macaiban Bridge bandang alas-4:PM Miyerkules ng hapon ang katawan ni John Norbert Nipay, 17, ng Barangay Sto. Cristo, habang Huwebes ng bandang alas-2:30PM naman nang marekober ang katawan ni Ronjean Justine Alseco, 13, ng Barangay Gaya-Gaya, kapwa ng City of San Jose Del Monte, Bulacan.

Tuloy-tuloy pa rin ang search and rescue operation ng PDRRMO at CDRRMO para sa tatlo pang nawawalang kabataan. Kinilala ang dalawa sa mga ito na sina Raizen Karl Delos Reyes, 13 ng Barangay Bagong Silang at Mark Ivan Gerona, 18, ng Barangay Camarin, kapwa  ng Caloocan City.

Samantalang hindi pa nakikilala ang isa pang bata na kasama rin sa nawawala.

Nabatid na nasa sampung kabataan ang namataang naliligo sa Marilao River sakop ng Barangay Gaya Gaya, CSJDM, Bulacan noong hapon ng Agosto 10 sa kasagsagan ng pagbuhos ng malakas ng pag-uulan dulot ng Habagat.

Ang limang kabataang biktima ay nagpumilit na tawirin ang ilog subalit tinangay ito ng malakas na agos ng tubig at isa-isang nawala hanggang sa matagpuan nang walang buhay ang dalawa sa mga ito.