MATAPOS na ibasura ng korte ang kasong rape laban kay Pandi, Bulacan Mayor Enrico Roque at 2 iba pa, ito naman ang rumesbak at naghain ng kontra-demanda at naglaan ng P2-milyong pabuya laban sa mga taong nais dungisan ang kanyang pagkatao at public image.
Ayon kay Mayor Roque, handa siyang magbigay ng P2-milyon sa sino mang makapagtuturo sa kinaroroonan ni Mikaela Mariano, nasa hustong gulang at residente ng No. 1097 Langit Road, Barangay 188, Bagong Silang Caloocan, ang indibidual na nagsampa ng kasong rape sa alkalde na ibinasura na ng korte.

Nauna rito ay sinampahan na rin ni Roque ng mga kasong perjury at falsification of public or official document si Mariano sa Branch 21 sa Caloocan Regional Trial Court noong nakaraang Abril 4, 2025.
Sa kanyang complaint-affidavit, sinabi ng alkalde na maling nirepresenta ni Mariano ang kanyang sarili bilang biktima ng panggagahasa, at nagpresenta ng mga pekeng pampubliko at opisyal na dokumento bilang dapat na ebidensya na sumusuporta sa kanyang claim.
Kabilang sa mga dokumentong binanggit ay: (a) isang Endorsement to Conduct Medical Examination na may petsang 07 April 2019, at (b) isang Medico-Legal Certificate na may petsang 10 April 2019.
Ang respondent na si Mikaela, ay nagsinungaling sa pamamagitan ng paggawa ng mga maling pahayag sa kabuuan ng kanyang reklamo.
“Ang mga paratang na ginawa ni Mikaela ay lubusang pinabulaanan ng maraming piraso ng ebidensya, malinaw na nagpapatunay na ang kanyang mga paghahabol ay walang anumang makatotohanang batayan,” ani Roque.
Iginiit ni Roque na hindi lamang peke ang mga dokumentong ito kundi sadyang ginamit para siraan ang kanyang pangalan at reputasyon, gayundin para maling idawit ang dalawa pang indibidwal.
“Ito ay hindi lamang pag-atake sa aking pagkatao,” pahayag ni Mayor Rico, “kundi isang matinding pang-aabuso sa sistema ng ating hustisya”.
Matatandaang noong nakaraang Pebrero 25, 2025, ibinasura ng Caloocan City Regional Trial Court (RTC) Branch 121 ang mga gawa-gawang kaso ng panggagahasa laban kina Mayor Roque, Municipal Councilor Reynaldo Roxas at Rogelio Raymundo.
Base sa naging resolusyon ng RTC Caloocan Branch 121 sa pagbabasura ng naturang kaso, iginiit dito na (1) hindi kailanman nagpakita ang umano’y nagrereklamo sa kabila ng bigat ng kaso; (2) ang panahon kung saan iniimbestigahan ang kaso ay higit sa limang taon, nang walang follow-up mula sa nagrereklamo; (3) lumilitaw na mali ang address na ibinigay sa form ng data ng pagsisiyasat; at (4) ang kalakip na medico-legal na sertipiko ay lumilitaw na gawa-gawa lamang.