Obando mayor’s Cup, simula na

OBANDO, Bulacan – Pormal nang sinimulan ang pinaka-aabangang Obando Mayor’s Cup: Inter-Barangay League 2025 sa pangunguna nina Mayor Leonardo “Ding” Valeda, Konsehal at tumatakbong Vice Mayor Rowell Sta Ana Rillera, Bokal William Villarica,  at G. Dexter  Devida ng  Citizen’s Battle Against Corruption o CIBAC Party-List na kumatawan kay Senador Josel Villanueva,  ang  opening ceremony ng nasabing palaro nitong Linggo, Marso 23 sa bagong Obando Stadium, Brgy. Tawiran ng bayan na ito.
Buong puwersa ang Team Valeda-Rillera sa ginanap na pagbubukas ng Mayor’s Cup: Inter-Barangay League 2025 na ginanap nitong Linggo, Marso 23 sa bagong Obando Stadium, Barangay Tawiran, Obando, Bulacan. (Mula kaliwa) Konsehal Buboy Banag, Konsehal Crina Palao Ramos, Konsehal at tumatakbong Vice Mayor Rowell Sta Ana Rillera, Kagawad at tumatakbong Konsehal Erwin Valeda, Mayor Leoanardo “Ding” Valeda”, Konsehal Evangeline Bernardo Bautista, nagbabalik na Konsehal Gerald Gomez, Konsehal Mico Dela Paz, Konsehal Philip Dela Cruz at nagbabalik na Konsehal Gladys Gabriel.
Ayon kay Mayor Valeda, ang bawat 11 koponan mula sa bawat barangay ang lumahok sa larong basketball at volleyball para ipakita ng mga Obandenyong atleta ang angking galing sa larangan ng palakasan, na inaasahang magbibigay ng sigla at saya sa mga manonood.
Nabatid na ito ay proyekto ng Obando SK Federation sa pamumuno ni Lei John Delos Reyes ang Inter-Barangay League sa pakikipagtulungan ng Obando Local Youth Council na pinamumunuan ni Angelu Aguinaldo.
Masayang nagpakuha ng larawan kay Mayor Leonardo “Ding” Valeda (Ika-3 sa kaliwa) at Konsehal at tumatakbong Vice Mayor Rowell Sta Ana Rillera (kaliwa), si Bb. Lavigne Isidro ng Barangay Pag-asa matapos itanghal at gawaran ng parangal bilang Best Muse sa isinagawang Mayor’s Cup: Inter-Barangay League nitong Linggo, Marso 23 sa bagong Obando Stadium, Barangay Tawiran, Obando, Bulacan. Nasa larawan din si SK Federation President Lei John Delos Reyes (kanan).
Naihabol ang pagsisimula nang nasabing paliga sa katatapos pa lamang na bagong Obando Stadium, na pinasinayaan at pinabasbasan ng Pamahalaang Bayan ng Obando, ilang oras lang bago ang pagbubukas ng palaro.
Inihayag ni Mayor Valeda na Phase 1 pa lamang ang naturang stadium na pinondohan ni Senador Villanueva at may kasunond nang pondo muli galing sa butihing senador para sa Phase 2 nito, na pagkakabit ng mga air conditioning unit  at magkabilang bleacher para sa mga manonood.
Namahagi naman si Bokal Villarica ng Ika-4 na distrito ng Bulacan ng 3 bola ng basketball bawat koponan, na ikinagalak ng bawat manlalarong Obandenyo.
Itinanghal na Best Muse si Bb. Lavigne Isidro ng Barangay Pag-asa at nagwagi naman bilang Best Float ang  Barangay Panghulo.
Dumalo rin para makiisa sa pagbubukas ng Mayor’s Cup at pagpapasinaya ng Obando Stadium sina Konsehal Philip Dela Cruz, Kon. Mico Dela Paz, Kon. Evangeline Bernardo Bautista, Kon. Crina Palao Ramos, Kon. Buboy Banag , mga dati at nagbabalik na Konsehal Gerald Gomez at Gladys Gabriel, at Kagawad at tumatakbong Konsehal Erwin Valeda.
Nagpakita naman ng personal na pakikiisa ang ilang punong barangay ng bayan ng Obando na sina ABC President Kap. Benny Sta Ana, Kap. Manny Valeda ng Tawiran, Kap. Obeth Marquez ng Paco, Kap. Esmer Papa ng San Pascual, Kap Tessie Banag ng Paliwas, Kap. Ruben Serrano ng Catanghalan, at Kap. Bubot Sayao ng Panghulo.
Samantala , nagpamalas ng husay at galing sa dalawang laro ang apat na team sa 11 koponan na kalahok.
Nagwagi sa unang laro ang koponan ng Binuangan laban sa league defending champion na San Pascual sa score na 73-69.
Naitala din sa kasunod na laro ng barangay Paco ang unang panalo kontra sa koponan ng barangay Pag-asa sa score na 97-83.