Kinailangang sumakay ng bangka nina Governor Daniel Fernando at Vice Gov. Alex Castro at mga staff ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) para maihatid sa Isla ng Binauangan sa coastal area ng Obando, Bulacan ang mga tulong mula sa Provincial Government ng Bulacan para sa mga nasalanta ng Bagyong Carina kamakailan.
Tinatayang mahigit 24,000 pamilyang Bulakenyo ang nabiyayaan ng nasabing ayuda mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan para sa apat na munisipalidad kabilang ang Isla Binauangan sa isinagawang distribution noong Agosto 12 hanggang 14, 2024.
Pinangunahan nina Fernando at Castro ang isinagawang relief distribution sa mga bayan ng Balagtas, Obando, Sta Maria at sa Lungsod ng San Jose Del Monte sa pakikipagtulungan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Kabilang sa mga lugar na personal na sinadya nina Fernando at Castro kasama si Mayor Leonardo Valeda ay ang Binauangan Island, Panghulo, Pag-asa, Paliwas, Tawiran at San Pascual sa Obando town nitong nakaraang Martes na may kabuuang 11,657 pamilya ang nabigyan ng ayuda.
Nabatid na kailangang sumakay pa ng motorized banca sina Fernando at Castro upang matiyak na makakarating ang mga relief goods sa mga residente sa Isla Binaungan.
Sinabi ng gobernador na ang provincial government mismo ang bababa sa mga barangay para ihatid ang tulong mula sa kapitolyo.
Noong Miyerkules ay ang Barangay Bagbaguin, Sta Maria na may 800 pamilyang benepisyaryo at Barangay Gaya-Gaya, Brgy Graceville at Brgy Muzon na may 776 beneficiaries ang nakatanggap ng relief goods.
Ayon kay Rowena Tiongson, hepe ng Bulacan PSWDO, nasa 11,470 pamilya naman mula sa mga barangay ng Wawa, Longos, San Juan, Panginay at Borol 1st sa bayan ng Balagtas ang tumanggap din ng kaparehong ayuda.
Ayon kay Tiongson, may kabuuang 185 barangays sa probinsiya mula sa 19 na munisipalidad at lungsod ang nasalanta ng baha dulot ng Bagyong Carina.
Nabatid na tuloy-tuloy pa rin ang gaganaping mga relief distribution sa mga natitira pang mga barangay kung saan tiniyak ng PSWDO na sapat ang ayudang ipapamahagi.