Escudero, ibinahagi ang mahalagang papel ng ‘pagkakaisa’ sa pag-angat ng bansa 

LUNGSOD NG MALOLOS — Pagkakaisa mula sa lahat ng henerasyon ang solusyon.

Ito ang paniniwala ni Pangulo ng Senado Francis “Chiz” G. Escudero na susi para maging paraiso ang Pilipinas at sinabing sa kabila ng pagkakaiba-iba ng mas bata at mas matandang henerasyon, ang nagkakaisang layunin para sa kapakanan ng bansa ay malaking tulong upang malampasan ang mga pagsubok na kinahaharap ng mga Pilipino.

 

“Dahil kapag pinagsama natin ang karanasan ng ipinanganak ng una sa mundo at ang lakas at sigasig ng pinanganak ng huli sa mundo, walang dahilan para hindi natin malampasan ang anumang hamon, anumang pagsubok, na kinakaharap ng ating bansa sa ngayon,” ani Escudero bilang panauhing pandangal sa ika-27 Anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas sa Simbahan ng Barasoain noong Huwebes.

Tinanggap ng Pangulo ng Senado Francis G. Escudero ang token of appreciation mula sa Lalawigan ng Bulacan sa pamumuno ni Gob. Daniel R. Fernando sa ginanap na komemorasyon ng Ika-127 Anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas sa Simbahan ng Barasoain, Lungsod ng Malolos, Bulacan ngayong maulang umaga. Makikita rin sa larawan sina (mula kaliwa) Bokal Richard A. Roque, PBGen. Jeffrey Z. Decena, Punong Bayan ng Pulilan Maritz Ochoa-Montejo, kinatawan ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas Commissioner Cecilia B. Tangian, Bise Gob. Alexis C. Castro, Punong Lungsod ng Malolos Christian D. Natividad, Cong. Danilo A. Domingo, Cong. Salvador A. Pleyto, at Rdo. Msgr. Domingo M. Salonga ng Our Lady of Mount Carmel Parish-Barasoain Church.

Binigyang diin niya rin ang kaniyang paniniwala na ang mga kabataan ay hindi lang pag-asa ng bayan, kaiba sa isinulat na tula ni Dr. Jose Rizal na “A la Juventud Filipina”, dahil aniya, dapat na maging maaasahang miyembro ng lipunan ang kabataan sa kabila ng kanilang edad at estado sa buhay.

 

“Para sa akin, ang kabataan hindi na dapat maging pag-asa lang ng bayan, kundi dapat maaasahan na ng bayan. Hindi nila kailangang maghintay na sila ay tumanda, magtapos, yumaman, magkatrabaho, magkapamilya, bago sila dapat maasahan ng bayan,” saad ng senador.

 

Sa kabilang banda, iginiit naman ni Gob. Daniel R. Fernando sa kaniyang talumpati na ang halaga ng kalayaan ng Pilipinas ay dapat inaalala palagi sa kasalukuyan maging sa hinaharap at hindi lang dapat masukat isang beses kada taon.

 

Nabanggit din ni Fernando ang mahalagang papel na ginampanan ng mga bayaning Pilipino sa pag-angkin sa kalayaan ng bansa na mamili ng sariling mga pinuno, at ito ay isang “biyaya” na hindi lang karapatan kundi pananagutan din.

 

“Sa ating pagboto at pagpili ng mga pinuno, isinasapuso natin ang sakripisyong inialay ng ating mga bayanı. Dahil ang kalayaang kanilang ipinaglaban ay hindi lamang karapatan, kundi pananagutang dapat gampanan,” aniya.

 

“Ito ang bagong mukha ng kalayaan: Ang kakayahang pumili ng tama; ang lakas ng loob na tumindig; at ang tapang na makiisa para sa ikabubuti ng bayan,” dagdag pa ng People’s Governor. 

 

Dumalo rin sa programa sina Bokal Richard A. Roque, PBGen. Jeffrey Z. Decena, Pulilan Mayor Maritz Ochoa-Montejo, kinatawan ng National Historical Commission of the Philippine na si Komisyoner Cecilia B. Tangian, Bise Gob. Alexis C. Castro, Lungsod ng Malolos Mayor Christian D. Natividad, Kinatawan Danilo A. Domingo, Kinatawan Salvador A. Pleyto, at Rev. Msgr. Domingo M. Salonga ng Our Lady of Mount Carmel Parish-Barasoain Church.