BM Mina Fermin biktima ng ‘sexual harassment’ ng kapwa niya Bokal

Pormal na naghain ng reklamo o ethics complaint na ‘sexual harassment’ ang isang Board Member ng Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan laban sa kapwa nito bokal dahil sa umano’y pambabastos sa pamamagitan ng paghipo sa beywang malapit sa puwet nito sa isang pagtitipon o official gathering.

Bokal Mina Fermin

Ang reklamo ay inihain noong Mayo 21, 2026 ni Board Member Romina Fermin ng Unang Distrito sa Ethics Committee ng Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan laban kay Board Member Efren Bartolome Jr. ng Lone District ng City of San Jose Del Monte.

Bago ang paghahain ng reklamo ay nag-privilege speech muna si Bokal Fermin sa harap ng mga kapwa nito Kasangguni sa pamumuno ni Vice Governor Alexis Castro bilang presiding officer sa ginanap na regular session sa Bulwagan ni Senator Benigno S. Aquino Jr. Hall.

Sa kaniyang buong tapang na pagtalumpati, naging emosyonal si Fermin at di mapigilan umiyak kung saan sinabi nito na siya ay tumatayo hindi lamang upang magsalita kundi upang tumindig at manindigan hindi lamang para sa kaniyang sarili kundi pati na rin sa lahat ng kababaihang may posisyon, naglilingkod, nagtatrabaho, nagsasakripisyo, para sa mga natatakot, nahihiya at hindi kayang magsalita, para sa nagtataguyod ng pamilya at tahimik na lumalaban para sa kanilang dignidad.

Sa kaniyang reklamo, sinabi nito na noong nakaraang Christmas Party ng Sangguniang Panlalawigan na ginanap sa Leticia’s Garden sa Calumpit, Bulacan habang nasa isang official gathering ay hinawakan umano ni Board Member Efren Bartolome Jr. ang kaniyang beywang malapit aniya sa puwet at pinisil at piniga habang nakatalikod si Fermin nang walang pahintulot at labag sa kaniyang kalooban.

Ayon pa kay Fermin, mayroon din pagkakataon na sa tuwing sila ay magkikita ay binabati siya ni Bartolome na dapat ay beso-beso ngunit pahalik ang ginagawa sa kaniya na pakiramdam niya aniya ay paraan ng pambabastos.

Privilege Speech ni Bokal Mina Fermin

“Sa araw na ito, nais kong maging malinaw ang ating mensahe na bawal ang bastos, bawal ang panghihiya, bawal ang sexual harassment, bawal gamitin ang posisyon/ impluwensiya/ o pakikisama bilang palusot sa paglabag sa dignidad ng isang babae,” wika ni Fermin.

Nanawagan din si Fermin sa lahat na itigil ang kulturang dinadaan sa biro ang pambabastos lalo na sa mga kababaihan.

Binigyan-diin ni Fermin na hindi lahat ng nababastos ay agad nakapagsasalita, hindi lahat ng nasasaktan ay nakapagsusumbong at hindi lahat ng biktima ay agad nakatatayo at nakapagsasabi ng hindi magandang nangyari sa kaniya.

Dagdag pa nito na minsan ang mga ganitong insidente ng pambabastos ay tumatagal, lumilipas ang mga araw at mahabang panahon bago magkaroon ng lakas ng loob na magsalita dahil unang kalaban ng biktima ay ang takot at hiya sa sarili, sa pamilya, sa mga kasama, sa komunidad.

“Ang pambabastos sa babae ay hindi maliit na bagay, ito ay bahagi ng malawak na kultura ng pamamaliit sa mga kababaihan,” sabi ni Fermin.

Ang nasabing reklamo kay Bartolome ay binubuo ng unbecoming conduct of a Member of the Sanggunian; Conduct affecting the dignity, integrity, reputation or privileges of the Sangguniang Panlalawigan or its members; conduct committed during an official or work-related activity; ang conduct that may constitute sexual harassment, abuse of authority, misconduct or violation of decorum.

Tiniyak naman ni Vice Governor Alexis Castro na magiging patas ang isasagawang pagdinig at imbestigasyon ng Ethics Committee sa pangunguna ni Bokal Erlene “Pechay” Dela Cruz kaugnay ng kasong isinampa laban kay Bartolome kung saan mananagot ang dapat managot.

”Prayoridad na diringgin ang reklamong ito dahil reputasyon at dignidad ng kababaihan ang nakasalalay dito lalo na ngayon ay ipinagdiriwang pa ang Women’s Month,” wika ni Castro.

Samantala, walang pang pahayag hinggil dito si Bokal Bartolome kung saan ayon sa kampo ni Fermin ay inihahanda na rin ang kaparehong kaso na isasampa sa Department of Interior and Local Government (DILG) at criminal case sa Provincial Prosecutor.

Si Bokal Fermin ay nasa ikatlo na niyang termina bilang board member habang si Bartolome ay  nakapaglingkod bilang bise alkalde ng CSJDM ng tatlong termino bago naihalal na board member noong 2025.