Bulaklakan 2026, itinanghal ang sining, pananampalataya at pagkamalikhain ng mga Bulakenyo

LUNGSOD NG MALOLOS – Matagumpay na isinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office (PHACTO) ang “Bulaklakan 2026: Harana at Bulaklak para kay Maria” noong Mayo 21 sa Level 2 Mall Atrium ng Vista Mall Malolos, Bulacan bilang pagdiriwang ng debosyon sa Mahal na Birheng Maria, kulturang Bulakenyo, at malikhaing sining.

Tampok sa pagdiriwang ang pag-aalay ng bulaklak, harana, at pagpapakita ng makukulay na Filipiniana na sumisimbolo sa pananampalataya, pagkakaisa, at pagpapahalaga ng mga Bulakenyo sa tradisyong Pilipino.

Binigyang-diin ni Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary Joey Guilas na ang Bulaklakan ay hindi lamang isang tradisyon kundi isang patunay ng malalim na pananampalataya, pagkakaisa, at pagmamahal ng mga Bulakenyo sa pamilya at kultura, habang pinuri rin niya ang lalawigan ng Bulacan sa patuloy na pagsusulong ng sining, musika, at debosyon sa Mahal na Birheng Maria.

Ibinahagi naman ng fashion stylist na si RS Simon ang kaniyang pasasalamat sa PHACTO sa patuloy na pag-anyaya sa kanilang grupo upang makibahagi sa Bulaklakan, na nagsisilbing plataporma para sa mga lokal na designer at creative professional upang maipakita ang Filipiniana at kulturang Bulakenyo, kasabay ng pakikipagtulungan sa mga designer upang iangat ang lokal na sining at disenyo.

Kasama rin sa programa ang paggawad ng mga nagwagi sa Pintabulaklak, bilang pagkilala sa natatanging pagkamalikhain at kahusayan sa sining ng pagpipinta na sumasalamin sa diwa ng Bulaklakan at kulturang Bulakenyo. Kabilang sa mga nagwagi ang “Halimuyak” ni Jayson M. Robles bilang first runner-up na nagkamit ng premyong nagkakahalaga ng P30,000 at tropeo; “Banaba” ni Carlos Noriel L. Coronel na nagwagi ng ikalawang karangalan, P20,000 premyo,  at tropeo; at “Paborito ni Misis” ni Carl Justine G. Legaspi na nakakuha ng ikatlong karangalan na may premyong P10,000 at tropeo.

Sa kabuuan, muling ipinamalas ng Bulaklakan 2026 ang matibay na pananampalataya, pagkamalikhain, at dangal ng Bulakenyo sa pamamagitan ng musika, bulaklak, sining, at kultura bilang pagpupugay sa Mahal na Birheng Maria.