
CLARK FREEPORT ZONE (PIA) — Ginawang modelo ng Asian Development Bank (ADB) ang proyektong North-South Commuter Railway (NSCR) bilang pambato ng Pilipinas sa pagsasakatuparan ng United Nations Decade for Sustainable Transport mula ngayong 2026 hanggang sa taong 2035.
Patunay dito ang pagdadala ng ADB sa mga delegado ng ginanap na Asia and the Pacific Transport Forum sa mga project sites ng NSCR partikular ang bahagi ng 56 kilometrong ruta mula sa lungsod ng Malolos sa Bulacan hanggang Clark.
Bahagi ito ng kabuuang 147 kilometrong NSCR System mula sa Clark International Airport hanggang sa lungsod ng Calamba sa Laguna.
Sa pahayag na ipinaabot ni Markus Roesner, director for transport ng ADB, isang testamento ang NSCR ng determinasyon ng pamahalaan ng Pilipinas na muling maibalik ang pagkakaroon ng isang makabago, mabilis, ligtas, at maaasahang uri ng mass transit system.
Isa rin aniyang patotoo ang kolaborasyon ng mga foreign contractors sa tiwala sa ekonomiya ng Pilipinas bilang mainam na paglagakan ng puhunan at magpatakbo ng negosyo.
Base sa tala ng Department of Transportation (DOTr), ang bahagi ng NSCR mula Malolos hanggang Apalit, Pampanga ay itinatayo ng Korean-firm na Hyundai Engineering and Construction-Megawide-Dongha joint venture.
Hawak naman ng Spanish-firm na Acciona at Korean-firm na Daelim Industrial Co. Ltd. E&C ang paggawa para sa viaduct mula sa bayan ng San Simon hanggang sa lungsod ng San Fernando sa Pampanga.
Ang kasunod na ruta mula sa lungsod ng Angeles hanggang sa pagpasok sa Clark Freeport Zone ay ginawa ng kontratistang Italian-Thai Development Public Corporation Ltd. na pinagsososyohan ng mga bansang Italy at Thailand.
Pinakalundo ng pagbisita ng delegasyon ng Asia and the Pacific Transport Forum na inorganisa ng ADB, ang pagbaba sa underground train station na ginawa sa harap mismo ng Clark International Airport.
Ang Spanish-firm din na Acciona at Pilipinong kontratistang EEI naman ang gumawa nito.
Nagsisimula na rin ang paglalatag ng mga riles sa magiging depot o garahe ng mga tren ng NSCR sa pamamagitan ng Korean-firm na POSCO na binisita rin ADB at ng delegasyon. Ito ang depot sa hilagang bahagi ng ruta ng NSCR.
Mayroon ding kagaya nito sa kalagitnaang bahagi ng NSCR sa hangganan ng mga lungsod ng Meycauaya sa Bulacan at Valenzuela. Iba pa rito ang ginagawa rin sa Laguna.
Ang mga commuter trains na gagamitin sa mga biyahe ng NSCR ay gawa ng J-Trec Engineering at ng Sumitomo Corporation ng Japan habang ang Japanese-firm din na Mitsubishi Corporation ang kontratista sa express trains ng NSCR.
Para kay Narciso Preclaro Jr., NSCR Extension Project Lead ng DOTr, patunay ito sa determinasyon ng Pilipinas gawing katuparan ang matatagal nang naipaplano, alinsunod sa tema ng Asia and the Pacific Transport Forum ng ADB na ‘From Priorities to Action’.
Kaya naman pinaigting ng DOTr ang progreso ng konstrusiyon ng Malolos-Clark section ng NSCR na nasa 70.06 porsyento na. Pumalo na rin sa 83.95% ang naiaayos sa right-of-way.
Pinagtutulungan ng ADB, Japan International Cooperation Agency at ng pamahalaan ng Pilipinas ang pagpapatayo sa NSCR System na umaabot na sa P873 bilyon.
Target magkaroon ng partial operation mula Valenzuela at Malolos hanggang Clark International Airport sa Oktubre 2028.
Sa taong 2033 naman target na maging full operation ng NSCR mula sa naturang paliparan patungo sa Calamba.
Samantala, hinikayat naman ng ADB ang DOTr na paghandaan na ang pagpapaabot ng NSCR sa New Clark City sa Capas, Tarlac at patuloy itong dugtungan.
Katuwang din ng pamahalaan ng Pilipinas ang ADB sa pagbalangkas ng bagong 30-Year Philippine Railway Master Plan na isinusulong ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.





