Mangrove Nursery Center, binuksan sa Hagonoy

BULACAN — Personal na nakibahagi si Bulacan Vice Governor Alex Castro sa Save Bulacan Mangroves, isang makabuluhang inisyatiba para sa pangangalaga at pagpaparami ng mga bakawan sa lalawigan, kasabay ng inagurasyon ng bagong Mangrove Nursery Center sa Ramona S. Trillana High School (RSTHS) sa Barangay Sagrada, Hagonoy, noong Nobyembre 14, 2026.

Ayon kay Michael Santos, Principal ng RSTHS, bukod kay Castro ay kasama rin sa tree planting ang mga volunteers at environmental advocates sa aktuwal na gawaing pangkalikasan, na nagpakita ng kanyang suporta sa mga programang naglalayong protektahan ang mga baybaying komunidad ng Bulacan.

“Mahalaga ang mga bakawan bilang likas na panangga laban sa pagguho ng baybayin at epekto ng malalakas na alon at storm surge,” ayon kay Castro, kaya naman todo suporta siya sa nasabing aktibidad.

Nagsisilbi rin itong tahanan ng iba’t ibang yamang-dagat at mahalagang bahagi ng pagpapanatili ng balanseng ekolohikal.

Sa pagbubukas ng Mangrove Nursery Center, inaasahang mas mapapalakas ang mga pagsisikap na magparami at mag-alaga ng mga punlang bakawan para sa mga susunod na gawaing rehabilitasyon at pangangalaga sa kalikasan.

Binigyang-halaga rin ng programa ang pagtutulungan ng mga paaralan, environmental organizations, volunteers, at iba pang sektor upang maisulong ang pangmatagalang pangangalaga sa kapaligiran.

Para kay Castro, mahalagang suportahan ang mga ganitong inisyatiba dahil ang pangangalaga sa kalikasan ay direktang kaugnay ng kaligtasan, kabuhayan, at kinabukasan ng mga Bulakenyo.

Binigyan-diin ni Castro na ang Save Bulacan Mangroves ay bahagi ng kanyang patuloy na pagsuporta sa mga programang may konkretong pakinabang sa mga komunidad at sa susunod na henerasyon.

Aniya, sa bawat bakawang itinatanim at inaalagaan, isang mas ligtas, mas luntian, at mas matatag na Bulacan ang sama-samang binubuo.