4 patay, 16 pa nawawala sa gumuhong gusali sa Pampanga

Apat na ang kumpirmadong nasawi habang 16 pa na pawang mga construction workers ang nawawala sa gumuhong 9-palapag na gusali sa Barangay Balibago, Angeles City noong Linggo ng madaling-araw.

Mahigit 30 oras na ang nakalipas nang maganap ang pagguho kung saan kinumpirma ni FSUPT Maria Leah Sajili, Public Information Officer ng Bureau of Fire Protection (BFP) Region 3 na apat na ang iniulat na nasawi sa insidente kabilang dito ang isang Malaysian national.

Kinilala ang mga nauna nang na-retrieve na bangkay ay kinilalang sina  Mohd Rezal Abdullah, Malaysian national, Mark Laurence Capungay at Properio Alikaway na kapwa residente ng Marilao, Bulacan.

Ang ika-apat na bangkay ay patuloy pang inaalam ang pagkakilanlan kung ito ay kabilang sa mga construction workers o vendor sa labas ng gumuhong gusali.

Patuloy ang isinasagawang search and rescue operations sa ikalawang araw ng operasyon kung saan tulong-tulong ang mga personnel mula sa BFP, Philippine National Police (PNP), Department of Public Works and Highways (DPWH), Angeles City, Pampanga and Bulacan Disaster Risk Reduction and Management Office, mga private volunteer rescue teams at Barangay Balibago officials.

KNabatid na knukuha na Lunes ng umaga ng pamilya ng namatay na Malaysian National na si Mohd Rezal Abdullah ang labi nito na nakalagak sa morgue ng Pangilinan Funeral Homes sa barangay Pulung Bulu, Angeles City, Pampanga.

Ayon kay Sajili, patuloy din ang paggamit nila ng thermal scanner at K9 sniffing dogs para ma-detect kung mayroon pang senyales ng buhay mula sa mga construction workers na naipit sa ilalim ng gusali.