939 ILIGAL NA BARIL NAKUMPISKA NG PRO3

Camp Olivas, City of San Fernando, Pampanga- Muling nagpulong ang Regional Joint Security Control Center (RJSCC) na binubuo ng COMELEC, PNP,AFP at PCG nitong Huwebes, Nobyembre 28 upang patuloy na plantsahin ang mga detalye sa ipatutupad na seguridad para sa nalalapit na 2025 midterm elections.
 
Sa nasabing pulong  inilatag ng PNP-PRO3,AFP at PCG ang kanilang paghahanda para sa halalan para matiyak sa publiko na magiging maayos, payapa at ligtas ang darating na halalan sa May 12 sa susunod na taon.
 
Samantala, nitong Oktubre ay sinimulan na ng PRO3 sa pangunguna ni PBGen Redrico Maranan, Regional Director ang puspusang pagpapatupad ng strategic planning na nakabase sa kanyang peace and order operational framework na Enhanced Police Presence + Quick Response Time + Counter actions against drug groups, criminal gangs at private armed groups = Safe region 3 bilang bahagi ng pagsisikap ng kapulisan upang masigurong maging matagumpay ang papalapit na eleksyon. 
 
Iprinisinta din ni Maranan sa RJSCC ang mga baril na nakumpiska sa iba’t ibang panig ng Gitnang Luzon simula Oktubre 1 hanggang Nobyembre 27, 2024 na umabot sa 939.
 
Sa 939 na mga iligal na armas, 924 ang short firearms at 15 naman ang light weapons. 298 sa mga ito ang nasamsam sa pamamagitan ng law enforcement operations tulad ng search warrant at checkpoint operations, 172 ang kusang isinuko ng mga may-ari at 469 ang nakuha sa Revitalized Katok.
 
Patuloy ang koordinasyon at pagtutulungan ng mga miyembro ng RJSCC upang mapanatili ang kapayapaan sa rehiyon at masiguro ang kaligtasan ng bawat mamamayan sa darating na halalan.
 
Ayon kay PBGEN MARANAN, “Tuloy-tuloy ang aming preparasyon upang mapagtagumpayan ang darating na halalan 2025 at sinisigurado naming ang bawat detalye ay maayos na maipatutupad.
 
Ang aming layunin ay hindi lamang masiguro ang isang payapa at maayos na eleksyon, kundi pati na rin ang pagbibigay ng kumpiyansa sa publiko na ang seguridad at kaayusan ay aming prayoridad. Sa pamamagitan ng mas pinaigting na mga operasyon, mahigpit na koordinasyon sa mga ahensya, at pakikiisa ng bawat miyembro ng komunidad, naniniwala kaming magagampanan namin ang aming tungkulin nang buong husay.”