
Camp Olivas, City of San Fernando, Pampanga — Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang kampanya kontra insurhensya, matagumpay na naisakatuparan ng Police Regional Office 3 (PRO3) ang pinaigting nitong operasyon laban sa Communist Terrorist Groups (CTGs) mula Enero 10 hanggang Hunyo 4, 2025. Sa ilalim ng whole-of-nation approach ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), patuloy ang PRO3 sa pagbuwag sa mga makakaliwang grupo at sa pagpapatatag ng kapayapaan at kaayusan sa rehiyon ng Gitnang Luzon.
Sa loob ng nasabing panahon, 69 na dating rebelde ang boluntaryong sumuko at piniling magbagong-buhay sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP), na nagbibigay ng suporta para sa kanilang rehabilitasyon at kabuhayan. Dagdag pa rito, 135 na indibidwal ang pormal na tumiwalag sa pagsuporta sa kilusang komunista—isang malinaw na patunay ng tumataas na kamalayan ng mamamayan sa mapanirang dulot ng armadong pakikibaka at sa halaga ng kapayapaan.
Samantala, 108 na iba’t ibang uri ng armas ang boluntaryong isinuko, dahilan upang humina ang armadong kakayahan ng mga rebeldeng grupo. Bukod dito, nasamsam din ang 31 pampasabog na maaaring magamit sa mga pag-atake, kaya’t malaking hakbang ito upang mapanatili ang kaligtasan ng publiko at maiwasan ang karahasan sa mga pamayanan.
Pinuri ni PBGEN Jean S. Fajardo, Regional Director ng PRO3, ang mga tagumpay na ito at binigyang-diin ang kahalagahan ng masinsinang pakikipag-ugnayan ng kapulisan sa mga komunidad—lalo na sa mga liblib na lugar na madalas nagiging target ng panlilinlang ng mga makakaliwang grupo.
“Ang tagumpay na ito ay bunga ng pagtutulungan—hindi lamang ng mga ahensyang katuwang ng PNP, kundi pati na rin ng mga mamamayan. Sa bawat sumukong rebelde, sa bawat armas na isinuko, isang hakbang tayo patungo sa mas ligtas, mas mapayapa, at mas maunlad na Gitnang Luzon. Ang aming layunin ay tuluyang palayain ang rehiyon mula sa impluwensiya ng insurhensya at magtaguyod ng pangmatagalang kapayapaan,” ani PBGEN Fajardo.