2 bata natagpuang patay sa loob ng kotse

Kapwa wala nang buhay nang matagpuan ang dalawang hindi pa nakikilalang mga bata na hinihinalang na-suffocate makaraang makulong sa loob ng isang kotse sa Barangay Malabanias, Angeles City nitong Biyernes Marso 22, 2024.
 
 Sa inisyal na report ni PCol. Amado Mendoza Jr., natagpuan ang mga biktima bandang ala-1:30 ng hapon ng may-ari ng sasakyan. Ang mga biktima ay kapwa mga batang lalaki na nasa edad na 2 at 3 taon.
 
 Ayon sa natanggap na teport ni Col. Mendoza, bandang alas-9:30 ng umaga nang huling magkasama ang mga bata na di pa batid kung magkapatid ang mga ito.
 
 Ang sasakyan ay nakaparada umano sa parking sa labas na posible umanong nakapasok ang mga biktima at dahil sa murang edad at hindi alam kung paano bubuksan ang pinto ay tuluyan na silang nakulong at hindi nakahinga hanggang sa malagutan ng hininga.
 
 Nadiskubre lamang ang mga bangkay ng biktima ng may-ari ng kotse nang gagamitin na nito ang sasakyan kung saan laking gulat nito ng makita ang wala nang buhay na mga bata.
 
 Agad naman iniutos ni Angeles City Mayor Carmelo “Pogi” Lazatin Jr. ang malalimang imbestigasyon sa insidente kasabay ng pagpapaabot ng pakikiramay at pagtulong sa pamilya ng mga biktima.