“Talakayan Para sa Ligtas na Paaralan” inilunsad ni Cong. Pleyto

Inilunsad ni Bulacan 6th District Representative Cong. Salvador Pleyto ang “Talakayan Para sa Ligtas na Paaralan” na dinaluhan ng iba’t- ibang sangay ng gobyerno, mga lokal na pamahalaan at komunidad na ginanap sa Sta. Maria Municipal Gymnasium sa Sta. Maria, Bulacan noong Biyernes, July 10, 2026.

Sa pangunguna at inisyatiba ni Cong. Pleyto, ang nasabing talakayan ay naisakatuparan katuwang ang mga ahensiya ng gobyerno kabilang dito ang Department of Education (DepEd) Region 3,  Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office 3, Department of Health (DOH) Region 3, Department of Interior and Local Government (DILG) Region 3 at Police Regional Office 3 (PRO3) na sila ring mga resource speaker sa isinagawang dayalogo.

Sa nasabing programa ay ibinahagi ang kahalagahan ng papel ng bawat ahensiya sa mga suliranin at pangangailangan na kinahaharap ng mga mag-aaral, guro, magulang, lokal na pamahalaan at ng buong komunidad hinggil sa mga nangyayaring  karahasan sa mga paaralan.

Sa pangunguna ni Bulacan 6th District Representative Salvador Pleyto (gitna), inilunsad nito ang “Talakayan Para sa Ligtas na Paaralan” kung saan pumirma sila sa isang “Pledge of Commitment” kasama ang mga ahensiya ng Department of Education (DepEd), Department of Social Welfare and Development (DSWD),  Department of Health (DOH),  Department of Interior and Local Government (DILG) Philippine National Police (PNP) para sa pagtataguyod ng kongkretong hakbang upang tiyakin na ang bawat paaralan ay ligtas na ginanap sa Santa Maria Municipal Gymnasium sa Barangay Poblacion, Sta Maria, Bulacan noong July 10, 2026. Photo by ELOISA SILVERIO 

Ayon kay Pleyto, ang “Talakayan Para sa Ligtas na Paaralan” ay inilunsad dahil sa mga nagdaang pangyayari ng karahasan sa isang paaralan sa Tacloban, Leyte na ikinasawi ng tatlong estudyante na nagdulot ng pangamba at pagdadalamhati sa  mga paaralan.

Ang tulad ng ganitong hakbang ayon sa kongresista ay sama-samang pananagutan at tumutugon sa  kaligtasan ng bawat mag-aaral. 

Binigyan-diin ni Pleyto na ang paaralan ay dapat manatiling tahanan ng pagkatuto, paghubog at pag-asa at hindi ng karahasan, takot, o pangamba habang nasa loob ng paaralan.

Ayon kay Pleyto, ang talakayan ay isinagawa upang bumuo ng isang matatag na pagkakaisa at maglatag ng kongkretong hakbang upang tiyakin na ang bawat paaralan ay magiging ligtas, maaasahan at panatag na lugar para sa mga mag-aaral.

“It takes a village to raise a child, kailangan ang buong pamayanan upang maitaguyod at mapalaki ang isang mabuting bata”, wika ni Pleyto.

Kailangan aniya na magkaroon ng integrated approach kung saan ang bawat ahensiya ay may malinaw na papel, ang mga paaralan ay may kongkretong school safety plan habang ang mga barangay ay may aktibong youth protection program.

Dapat din pagtuunan ng pansin ang mga ugat ng karahasan gaya ng bullying, cyber bullying, gang influencing, access to deadly weapons, substance abuse, and  untreated mental health issues.

Sa huling bahagi ng programa ay isinagawa ang ‘Pledge of Commitment” kung saan ang lahat ay nagkakaisang naninindigan para sa ligtas, maayos at mapagkalingang paaralan.

Ang mga ito ay taimtim na naninindigan at nagkakaisang nagpapahayag ng kanilang buong suporta sa pagtatatag ng isang ligtas, mapayapa, inklusibo, at makataong kapaligiran sa bawat paaralan.

Kasama sa kanilang pangako ang: Pangangalagaan ang buhay, dignidad, at kapakanan ng bawat mag-aaral, guro, at kawani sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga epektibong polisiya at programang nagtataguyod ng ligtas na kapaligiran sa paaralan; 

Palalakasin ang ugnayan ng paaralan, pamilya, pamahalaan, at komunidad upang maagapan at/o mapigilan ang anumang banta sa kaligtasan at mabigyan ng agarang tugon ang mga suliraning kinahaharap ng mga kabataan; Palalakasin ang partisipasyon ng kabataan, lalo na ng mga lider ng Sangguniang Kabataan, bilang mga katuwang sa pagsusulong ng kultura ng disiplina, respeto, kapayapaan, at malasakit sa kapwa; 

Hihikayatin ang aktibong pakikilahok ng mga magulang sa paggabay, paghubog ng mabuting asal, at patuloy na pakikipag-ugnayan sa mga paaralan para sa kapakanan ng kanilang mga anak.

 Tinalakay din ang accountability ng mga nanay bilang mga key players sa paghubog sa mga kabataan kung saan binigyandiin dito na walang bata ang pinalaki ng masama.