LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan –Paiigtingin ng Department of Science and Technology (DOST) ang produksiyon ng Enhanced Nutribun sa Bulacan, upang matiyak ang tuluy-tuloy na suplay nito sa iba’t ibang supplemental feeding program sa lalawigan.
Ayon kay DOST Secretary Renato Solidum, bahagi ito ng ambag ng ahensiya upang patuloy na mabawasan ang malnutrisyon sa lalawigan sa ilalim ng Bringing in Resources for Everyone’s Agenda on Kalusugan, Kabuhayan, Kaalaman at Kaunlaran sa Bulacan for Malnutrition Reduction Program o BREAK4 MRP.
Nabuo ang programang ito bilang pagtalima ng ahensiya sa pagpapatupad ng Republic Act 11148 o Kalusugan at Nutrisyon ng Mag-Nanay Act of 2018.
Para maisakatuparan ito, may 10 mga panaderya sa Bulacan ang pormal na lumagda ng Technology Licensing Agreements sa DOST. Habang may karagdagang pito pang mga panaderya ang kasalukuyang sumasailalim sa training sa paggawa ng Enhanced Nutriban.
Tumanggap ang unang 10 mga panaderya ng Technology Certifications Award bilang patunay at pahintulot na opisyal nilang gagamitin ang mga sangkap at formula na nilikha ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI) ng ahensiya sa paggawa ng Enhanced Nutribun.
Kabilang dito ang mga panaderya sa Malolos na Loubelle Bakery at PNR Bakeshop, Cuevas Bakery at Sapang Palay National High School Multipurpose Cooperative sa San Jose Del Monte City, E.V. Cuevas sa Santa Maria, Bag of Sweet Bite Bakeshop sa Marilao, Gintong Kusina Producers Cooperative sa Guiguinto, Actions Hub Philippines Inc. sa Plaridel, Pasalubong Foods Inc. sa Pulilan at ang Danrich sa Baliwag.
Sinabi naman ni DOST-Bulacan Provincial Director Angelita Parungao na lima sa mga panaderyang ito ay tinulungan ng ahensiya na mapabuti ang kanilang produksiyon.
Nasa P5.7 milyon na halaga ng mga makabagong kasangkapan ang naipagkaloob sa kanila sa ilalim ng Small Enterprise Technology Upgrading Program o SET-UP.
Susuplayan ng mga panaderyang ito ang mga bayan at mga lungsod sa Bulacan ng mga Nutribuns sa kani-kanilang mga feeding programs. Iba pa rito ang regular na feeding program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Kaugnay nito, ayon kay Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) head Rowena Tiongson, kahit nananatiling mababa ang bilang ng mga malnourish sa Bulacan, nagpapatuloy ang supplemental feeding program sa mga pampublikong paaralan at mga day care centers kung saan maging ang mga hindi malnourish ay napapakain din sang-ayon sa Republic Act 11148.
Base sa Provincial Nutrition Action Plan 2020-2022 ng PSWDO, may normal na timbang ang mga 305,724 na mga batang Bulakenyo na may edad na limang taong gulang pababa. Habang nasa 5,652 ang sobra sa timbang, 4,826 ang kulang sa timbang at 1,546 ang labis na mababa ang timbang.
Sa tangkad naman, nasa 289,610 na mga batang Bulakenyo na may edad limang taong gulang pababa ay may tamang tangkad, 9,717 ang mas matatangkad, 11,921 ang mababa ang laki at 6,544 ang naging mga pandak.
Samantala, iniaalok din ng DOST sa mga pamahalaang lokal sa Bulacan na subukang isama sa pagbili ng mga Nutribun ang mga fruit juices at tea na gawa ng University of the Philippines sa tulong ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (PCAARRD).
Nagtatawag naman ang DOST ng mga technology adopters para sa produksiyon ng mga Complimentary Food Blend Powder na gawa rin ng FNRI gaya ng Beef Mac Sopas, Arroz Caldo, Chicken Tinola, Chicken Sopas, Beef Mac Spaghetti Sauce, Sinigang na Baka, Sinampalukang Manok, Beef Bulalo, Ginataang Munggo at Kiddie Champorado.
Mayroon ding iba pang gawa ang FNRI na hinahanapan ng technology adopters tulad ng Vanilla flavor drink at Nutri-Gelatin Malunggay.