NGAYONG si Bong Bong Marcos o BBM na ang ating Pangulo ay sunod-sunod na ang mga alok sa kanya mula iba’t-ibang bansa upang lalong paigtingin ang tulungan lalo na sa ekonomya.
Dito natin mahihiwatigan na may tiwala sila sa kanyang kakayanan at liderato habang kasunod naman nito ay pinalantsa na rin niya ang kanyang programa de-gobyerno at angklado na ang kanyang binuong gabinete.
Kaliskisan natin ang kanyang mga kasangga na inilagay sa puwesto at isa nga sa kanila ay si ex-Senator Juan Ponce Enrile na binitbit niya para maging Presidential Legal Adviser.
Alam naman natin na matagal nanilbihan at naging kaalalay ng ama ni BBM si Enrile na kahit may edad na subalit matalas pa rin ay talagang bihasa na sa pamamalakad sa gobyerno.
At dahil sa laki ng problema ng bansa sa agrikultura na pinabagsak ng mga korap at ismagler sa ahensiya ay minabuti ni BBM na siya muna ang pansamantalang uupong kalihim ng ahensiyang ito.
Noon, tayo ang nagtuturo sa mga karatig-bansa ukol sa kaalaman sa pagsasaka pero nag-iba na ang ihip ng hangin dahil ang mga itinuro natin sa kanila ay sila namang ibinabato sa atin o tayo na ang umaangkat ng kanilang mga aning agricultural products.
Ito na rin marahil ito ang naging kadahilanan kung bakit noong kampanyahan ay naipahapyaw ni BBM na dapat maibaba hanggang sa P20 pesos kada kilo ang bigas.
Maliban sa Kagawaran ng Agrikultura, napapanahon na rin ang pagkakapili ni BBM kay VP Sara Duterte upang pamunuan ang departamento ng edukasyon.
Isang abogada si VP Sara at gamay nito ang edukasyon kaya nga kumbaga sa brigada ay talagang matatag ang tandem na BBM at Sarah para sa kaunlaran ng bansa at mamamayan.
Pero nandiyan pa rin ang agam-agam ng mamamayang suportado si BBM dahil may mga pagkilos diumano na gusto siyang pahiyain upang masira ang kanyang imahe.
Dito natin napagtatanto na patuloy pa ring nagmumulto ang imahe ng kanyang ama na si Ferdinand Marcos Sr. na sinasangkalan ng mga kontra upang ilugmok ang tatag ng bagong Pangulo.
Hindi man nabubura ang mga sinapit na panlalait at kung papano inilugmok ang kanilang pamilya noon pero tiyak na matatag ang magiging panunungkulan ni BBM at maghahawi sila ng bagong kasalukuyan at bagong panahon para sa pagkakaisa ng sambayanang Pilipino.