Right-of-Way ng Malolos Interchange para sa NALEX Phase 2, target ilihis sa mga kabahayan

NALEX Phase 2
Iprinisinta sa ginanap na serye ng mga public consultations sa lungsod ng Malolos ang road alignment sa itatayong Malolos Interchange na bahagi ng gagawing Norther Access Link Expressway o NALEX Phase 2. Ito ang magsisilbing derechong daan patungo sa New Manila International Airport o NMIA sa bayan ng Bulakan. Ikakabit din ito sa Manila North Road o Mac Arthur Highway sa Malolos at sa North Luzon Expressway o NLEX (Shane F. Velasco)

View Post

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan – Nirerepaso na ang gagamiting right-of-way para sa itatayong Malolos Interchange na bahagi ng gagawing Northern Access Link Expressway o NALEX Phase 2.

 

Ayon kay Toll Regulatory Board (TRB) Executive Director Alvin Carullo, ang resulta sa idinaos na mga public consultations ay magiging batayan sa pagkukumpleto ng detailed engineering design ng proyekto, partikular na ang dadaanan nitong Malolos Interchange.

 

Sa ginanap na serye ng mga public consultations sa mga residente at may-ari ng lupa na posibleng tatamaan ng proyekto, nangako ang konsesyonaryo ng NALEX na San Miguel Holdings Corporation o SMHC na ginagawa ang lahat ng istratehikong hakbang upang mailihis sa mga kabahayan ang itatayong interchange.

 

Base sa inisyal na panukala, dadaan sa barangay San Pablo sa lungsod ng Malolos ang road alignment ng Malolos Interchange, kung saan nasa 80 hanggang 200 na mga kabahayan ang maaapektuhan dahil sa right-of-way.

 

Sinabi ni Atty. Melissa Tagarda, assistant vice president at head ng corporate affairs ng SMHC, na posibleng maibaba sa bilang na 20 o mas mababa pa ang maapektuhan na kabahayan.

 

Kaya’t patuloy aniya ang paghahanap ng iba pang pwedeng madaanan ng proyekto upang wala nang bahay ang tamaan.

 

Kung sakali naman na hindi maiiwasan na hindi madaanan ang isang partikular na pribadong pag-aari, tiniyak niyang mababayaran nang tama o naaayon sa kasalukuyang property valuation ang may-ari ng lupa ayon sa umiiral na ang Republic Act 10752 o ang The Right of Way Act of 2016.

 

Inaprubahan ng TRB ang proyektong NALEX noong Mayo 2022 upang magsilbing bagong road network na papunta at mula sa New Manila International Airport o NMIA sa bayan ng Bulakan.

 

Magsisilbi ring koneksiyon o road access mula sa NMIA ang Malolos Interchange ng NALEX Phase 2, sa Manila North Road o Mac Arthur Highway at sa North Luzon Expressway o NLEX sa bahagi ng barangay Bungahan na malapit sa Sta. Rita Exit.

 

Ang alignment na dadaan ng NALEX Phase 2 ay may habang 117 na kilometro mula sa NMIA sa Bulakan na derecho sa Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway o TPLEX sa bahagi ng lungsod ng Tarlac.

 

Madadaanan din nito ang mga bayan ng Paombong, Hagonoy at Calumpit sa Bulacan. 

 

Habang ang NALEX Phase 1 ay may habang 19 kilometro mula rin sa Bulakan, dadaan sa Obando, Navotas at Malabon na idudugtong sa Balintawak ramp ng Skyway Stage 3 sa lungsod ng Caloocan.

 

Target gawin at tapusin ang NALEX Phase 2 sa loob ng pitong taon o pagsapit ng taong 2030. May inisyal na halagang P148 bilyon ang halaga ng dalawang phases nitong proyekto na ginugugulan ng konsesyonaryo sa ilalim ng Build-Operate-Transfer o BOT na isang mekanismo ng Public-Private Partnership o PPP.

 

Patatakbuhin ng Skyway Operations and Management Corporation ng SMHC ang NALEX Phases 1 at 2 sa loob ng 30 taon mula sa unang taon na ito’y matapos at magsimulang mapadaanan sa mga motorista. Isa ang NALEX Phases 1 at 2 sa mga pangunahing imprastrakturang ipapatupad at tatapusin ng administrasyong Marcos sa ilalim ng Build-Better-More Prog