SA Araw ng Paggawa, sinabi ni Sen. Joel “TESDAMAN” Villanueva na may umuusbong na “post-pandemic Filipino workforce” sa bansa, at dapat matugunan ng gobyerno ang mga pangangailangan ng mga makabagong manggagawa.
“Tumaas po lalo ang prayoridad ng ating manggagawa pagdating sa kalusugan at well-being dahil sa pandemya. Umabot na po tayo sa punto na magre-resign o lilipat ng trabaho ang mga manggagawa kung hindi matugunan ng mga employer ang pangangailangan ng mga empleyado na physical and mental health, pati na rin work-life balance,” sabi ni Villanueva.
Tinukoy ng senador ang 2022 World Trend Index (WTI) ng kumpanyang Microsoft, kung saan inulat na halos kalahati o 49 porsyento ng mga Pilipinong manggagawa na nagkatrabaho nitong pandemya ay pinag-iisipang lumipat ng trabaho. Sinabi rin ng survey na 67% ng mga manggagawang Pilipino ay prayoridad ang kalusugan kaysa trabaho, na mas mataas sa kabuuang ulat na 53% para sa buong mundo. Iniulat din ng WTI na 20% sa mga na-survey sa Pilipinas ay lumipat ng trabaho noong nakalipas na taon.
“Ang trabaho natin bilang taga-gawa ng polisiya ay palaguin ang ekonomiya habang tinutugunan ang mga pagbabago sa physical, mental, at emotional needs ng ating mga manggagawa,” sabi ni Villanueva.
Ayon sa report, ang 2022 Work Trend Index ay pag-aaral ng 31,000 katao sa 31 na bansa, kabilang ang hindi bababa sa 1,000 na full-time workers mula sa Pilipinas.
Binanggit din ng author and sponsor of the Work From Home Law na nais ng 60% ng Filipino workers sa survey na lumipat na sa remote o hybrid work sa susunod na taon. Gayunpaman, 69% ng mga business leaders sa bansa ang nagsasabing ire-require nila ang kanilang mga empleyado na magtrabaho in-person full time sa taong ito. Sinabi rin na 38% lamang sa mga business leaders na ito ang may alternative work arrangements para sa kanilang mga empleyado.
Dahil dito, nagbabala si Villanueva na hindi dapat maging “out of touch” ang gobyerno sa umiiral na mindset ng “post-pandemic Filipino workforce”, at maging proactive sa pag-antabay sa mga pagbabago sa kanilang mga pangangailangan at gawi.
“We should act fast and think progressively to close this disconnect between the interests of industry and workers. Halimbawa, kailangang makipagtulungan ang negosyo at gobyerno para sa full implementation ng Work From Home Law. Mayroon din tayong Tulong Trabaho Law na tutulong sa skills training at upskilling ng mga manggagawa para sa trabahong napupusuan nila. Kailangan nating maintindihan na hindi lamang sweldo ang importante para sa mga manggagawa,” sabi ni Villanueva.
Binanggit din ng senador ang napabalitang desisyon ng kumpanyang BPO na Concentrix na mapanatilii ang kanilang work from home o hybrid work arrangements para sa kanilang humigit-kumulang na 10,000 na empleyado kaysa tumanggap ng insentibo sa buwis mula sa pamahalaan.
Ito umano ang naging desisyon ng kumpanya matapos magbigay ng ultimatum ang Fiscal Incentives Review Board na tanggalan ng tax incentives mula sa CREATE Law ang mga kumpanya ng BPO kung hindi pisikal na babalik sa opisina ang kanilang mga empleyado simula sa buwan ng Abril.
“It’s a classic case of the government falling behind innovations. The innovation that we need now should be focused to benefit the post-pandemic workforce. Dapat maging magandang ehemplo ang Concentrix kesa patawan ng penalty dahil nakikinig sila sa kanilang mga empleyado,” sabi ni Villanueva.
Naisabatas noong 20199 ang Work From Home Law o Republic Act 11165 ni Villanueva para magsulong ng alternative work arrangements at tugunan ang problema ng trapiko at pagcommute sa trabaho. Lalo itong naging importanteng batas sa nakaraang dalawang taon dahil sa papel nito sa pagpigil sa pagkalat ng COVID-19.