Pinangunahan ng Pandi local officials sa pamumuno ni Mayor Enrico Roque ang pasinaya ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) -Pandi ngayon Setyembre 7, 2026 sa Barangay Mapulang Lupa na noon ay isang pangarap lamang na ngayon ay naging katotohanan para sa mga mag-aaral dito.

“Isang pangarap lang po ito noon. Pangarap na balang araw, magkaroon ang Pandi ng sariling pampublikong unibersidad kung saan mas maraming kabataang Pandieño ang mabibigyan ng pagkakataong makapag-aral, makapagtapos, at maabot ang kanilang mga pangarap,” ayon kay Roque.
Sinabi ni Roque na makasaysayan ang araw ng inagurasyon ng PUP-Pandi para sa bayan ng Pandi dahil opisyal na nang binuksan ang PUP–Pandi, ang kauna-unahang unibersidad sa nasabing munisipalidad at kauna-unahang PUP Open University System sa buong Pilipinas.
Ayon pa sa alkalde, hindi naging madali ang pagsasakatuparan ng pangarap na ito na dumaan aniya sa maraming proseso, pagsubok, at pagtutulungan bago narating ang araw na ito.

Sinabi ni Dr. Rudolf Anthony Lacerna, Executive Director ng PUP na mayroon itong inisyal na 127 mag-aaral para sa paunang apat na classrooms na kung saan ang orihinal na disenyo ay 15 classrooms na maglululan ng tinatayang nasa 475 estudyante.
Sa kasalukuyang ang maaaring kuhanin na mga kurso sa PUP-Pandi ay BS Tourism Management, BS Business Admin major in Marketing Management at maaari pang madagdagan oras na makumpleto na ang mga classrooms.
“Lubos ang aking pasasalamat sa lahat ng naging bahagi ng tagumpay na ito, lalo na sa pamunuan ng PUP, sa ating mga katuwang, sa Team Puso at Talino, sa mga kawani ng pamahalaan, at sa bawat Pandieño na naniwala sa pangarap na ito,” wika ni Roque.
Ayon pa sa mensahe ni Roque, ang PUP-Pandi ay hindi lamang isang campus, kung saan ito ay hudyat ng pagbubukas ng mas maraming oportunidad para sa mga kabataang Pandieño at siyang magsisilbing tpintuan tungo sa edukasyon, pag-unlad, at mas magandang kinabukasan para sa mga susunod na henerasyon.
Dagdag pa ni Roque na ito ang simula ng panibagong kabanata para sa bayan ng Pandi kung saan ang dating pangarap ay isa nang realidad, at magiging bahagi ng pamana na maipagmamalaki ng bawat Pandieño.





