Pinainam na salin sa Filipino ng mga Aklat tungkol kay Plaridel, inilunsad

Pormal nang inilunsad ang mga aklat na iniakda para kay Marcelo H. Del Pilar na isinalin sa mainam na Filipino ng Kabesera-Samahang Pangkalinangan ng Bulacan. Libreng makukuha ang mga soft copy nito sa tulong ng National Historical Commission of the Philippines. (Shane F. Velasco/PIA 3)

BULAKAN, Bulacan — Inilunsad ang unang serye ng mga aklat na iniakda tungkol kay Marcelo H. Del Pilar, na isinaling mainam sa wikang Filipino bilang paggunita sa Ika-126 Taong Anibersaryo ng kanyang kabayanihan.

 

Kabilang dito ang may pamagat na ‘Marcelo H. Del Pilar’ na iniakda ng isa ring bayani at kaibigan niyang si Mariano Ponce; ang ‘Taliba sa Paglaya’ ni Efipanio Delos Santos; ‘Lihaman nina Marcelo at Marciana’ at ang ‘Dasalan, Tuksohan at iba pang Dapat Ipag-Alab ng Puso’ na iniakda mismo ni Del Pilar.  

 

Ang pagsasalin ay isinakatuparan ni Perfecto Martin, pangulo ng Kabisera-Samahang Pangkalinangan ng Bulacan. Ipinaliwanag niya na bagama’t orihinal na nakalimbag sa wikang Filipino ang nasabing mga aklat, pinagtuunan sa pagsasalin sa mainam na Filipino ang ortograpiya.

 

Ibig sabihin, iniakma ang salin sa kasalukuyang basa at bigkas sa wikang Filipino. Halimbawa ang mga naisulat sa titik Y ay isinalin sa titik I. Ang mga ginamitan ng mga hiram na titik o salita ay isinalin sa mainam na wikang Filipino gaya ng ‘ciudad’ na ginawang ‘siyudad’.

 

Ayon pa kay Martin, layunin nito na mas mailapit sa karaniwang mamamayan at lalo na sa mga kabataan ang mga makabuluhang sulat ni Gat. Del Pilar ang mga iniakda para sa nasabing bayani.

 

Titipunin ang mga salin na ito bilang isang Aklat Plaridelina na halaw sa panulat ni Gat. Del Pilar na ‘Plaridel’. Sa kasalukuyan, libreng ipinamamahagi ng Kabesera ang soft copy ng mga naisaling mga aklat sa mga guro sa mga pampublikong paaralan sa Bulacan.

 

Ang sistema, sinumang mga guro o indibidwal na may interes sa mga aklat na isinalin sa mainam na Filipino, ay uubrang makipag-ugnayan sa National Historical Commission of the Philippines o NHCP upang mabigyan ng soft-copy na nasa PDF format.

 

Bukod sa pagiging isang propagandista at mamamahayag, kinikilala rin si Gat. Del Pilar bilang pinag-ugatan ng konsepto ng Katipunan na nagbunsod sa noo’y layunin na pagsasabansa o pagsasarili.

 

Sa kanya rin naugat ang unang pagsusulong na magkaroon ng mga sariling institusyong pang-edukasyon ang mga Pilipino, gaya ng School of Agriculture noong 1889 at ang State of Arts and Trade noong 1890.

 

Gayundin ang pagsusulong ni Del Pilar na magkaroon ng sariling Hukbong Dagat ang Pilipinas dahil sa noo’y sumiklab na Chinese-Japanese War noong 1894.

 

Samantala, ayon kay Alex Aguinaldo, kurador ng Museo ni Marcelo H. Del Pilar ng NHCP sa Bulakan, ang paglulunsad ng mga aklat na ito ay kauna-unahang face-to-face na programang idinaos ng komisyon bilang pag-alaala kay Del Pilar mula nang tumama ang pandemya noong 2020.