Parada ng Karosa 2026, bibida sa Singkaban Festival tampok ang makulay na pamana ng Bulacan

LUNGSOD NG MALOLOS – Muling sisigla ang Lalawigan ng Bulacan sa isang makapigil-hiningang pagtatanghal ng makukulay na disenyo, masining na likha, at pagkakakilanlan ng lalawigan sa pag-ikot ng Parada ng Karosa 2026 sa Lungsod ng Malolos sa Setyembre 8, bilang isa sa mga tampok na bahagi ng pagbubukas ng Singkaban Festival 2026.

Pangungunahan ng Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office (PHACTO), magsasama-sama sa parada ang mga lokal na pamahalaan, state universities at colleges, nasyunal na ahensiya, non-government organizations, pribadong institusyon, at corporate partners upang ipamalas ang mayamang kultura at malikhaing diwa ng Bulacan.

Magsisimula ang assembly sa ganap na 6:00 ng umaga, habang nakatakdang umarangkada ang parada pagsapit ng alas-8:00 ng umaga mula sa Bagong Gusali ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos patungo sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan.

Pangungunahan naman ng Hiyas ng Bulacan Brass Band ang parada na magbibigay ng masiglang tugtugin habang naglalakbay ang mga karosa sa itinakdang ruta. Ilan din sa mga kalahok na karosa ang maglululan ng kanilang mga kandidato para sa Hari at Reyna ng Singkaban 2026, na kakatawan sa kani-kanilang lokal na pamahalaan.

Samantala, susuriin ang mga kalahok na karosa batay sa craftsmanship at artistic excellence (50%), creativity at originality (30%), at overall impact (20%), na kumikilala sa mahusay na pagsasama-sama ng kasiningan, makabagong ideya, at makahulugang pagpapakilala sa lalawigan.

Inaasahan ding dadagsa ang mga residente, panauhin, at turista upang masaksihan ang makulay na pagtatanghal na magsisilbing pagkakataon din upang itaguyod ang lokal na turismo, suportahan ang mga negosyong may kaugnayan sa turismo, hikayatin ang pakikilahok ng mga institusyong pang-edukasyon, at higit pang patatagin ang ugnayan ng pampubliko at pribadong sektor.

Pararangalan naman ang mga nagwagi sa awarding ceremony sa Setyembre 14, 2026.