“Pangalagaan at pagyamanin ang kalayaang minana natin”- Punong Mahistrado Gesmundo

125TH INDEPENDENCE DAY. Iniabot nina Gob. Daniel R. Fernando kasama si Bise Gob. Alexis C. Castro ang replika at aklat na naglalahad ng kasaysayan ng makasaysayang Simbahan ng Barasoain kay Supreme Court of the Philippines Chief Justice Alexander G. Gesmundo bilang tanda ng kanyang pakikiisa sa mga Bulakenyo sa paggunita sa ika-125 Anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas na ginanap sa Simbahan ng Barasoain sa Lungsod ng Malolos, Bulacan kaninang umaga. Nasa larawan din si Malolos City Mayor Christian Natividad. ERICK SILVERIO

LUNGSOD NG MALOLOS– “Bilang mga Pilipino, may tungkulin tayo na pangalagaan at pagyamanin ang kalayaang minana natin. Lahat tayo ay tinatawag na pagsikapan na isakatuparan ang mga pangarap ng bumubuhay sa pagnanais nating lumaya.”

Ito ang mensahe ng Punong Mahistrado ng Korte Suprema Alexander G. Gesmundo sa ginanap na Ika-125 Anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas sa bakuran ng Simbahan ng Barasoain sa lungsod na ito ngayong maulang umaga.

Sinabi rin ng punong mahistrado na lahat ay may karugtong na responsibilidad na dapat pasanin kasama ng mga karapatan at kalayaang tinatamasa nila.

“Tungkulin nating bantayan hindi lamang ang ating kalayaan at kapakanan kundi pati ng kapwa natin, ng bawat isa sa atin, at hindi lang para sa kapwa nating nabubuhay ngayon kundi para sa mga susunod na henerasyon,” ani Punong Mahistrado Gesmundo.

Gayundin, naniniwala si Gob. Daniel R. Fernando na tungkulin ng mga tao na gamitin ang biyaya ng kalayaan upang tulungan ang ibang tao at bigyan sila ng kakayahan na kontrolin ang isang bagong rebolusyon sa kanilang buhay, hanapbuhay, at hinaharap.

“Tayo ay tinatawagan na mag-ambag ng kakayahan at lakas upang palayain ang ating bayan sa patuloy na pagkaalipin, kawalan ng oportunidad sa buhay, kakulangan ng proteksyon sa lipunan, at mga banta ng kalamidad at karahasan,” anang gobernador.

Dumalo rin dito sina Bise Gob. Alexis C. Castro, Malolos City Mayor Christian Natividad, 1st District Congressman Danny Domingo, 5th District Cong. Boy Cruz, 6th District Cong. Ador Pleyto, mga bokal, at ilang mga punong bayan at lungsod.

Ang Ika-125 Anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas ay naka-angkla sa temang “Kalayaan. Kinabukasan. Kasaysayan”.

Ipinagpatuloy ang programa sa kabila ng ulan sa pagtutulungan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas, at Pamahalaang Panlungsod ng Malolos.