PANDI, Bulacan—Aabot sa P80 milyong halaga ng sinasabing iba’t ibang inismagel na mga produkto ang tinimbog at pagkatapos ay tuluyang kinumpiska ng pinagsanib-puwersa ng Bureau of Customs (BOC), Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port (CIIS-MICP), National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine Coast Guard (PCG) sa isang imbakan na bodega sa Pandi, Bulacan noong nakaraang January 26, 2022.
Ayon sa ulat, matagal nang “under surveillance” ang lugar makaraang makatanggap ng impormasyon ang Customs hinggil sa milyones smuggled products na nakaimbak sa nasabing warehouse, at pinaniniwalaang naipuslit sa mga pantalan ng ahensya.
Kaya naman, sa bisa ng Letter of Authority (LOA) at Mission Order na nilagdaan at ipinalabas ni Customs Commissioner Rey Leonardo “Jagger” Guerrero laban sa warehouse owners/operators, pinamunuan ni MICP-CIIS chief, Intelligence Officer (IO2) Alvin Enciso ang ikinasang surpresang pagsalakay ng grupo sa naturang erya.
At nang makapasok ang tropa nina Enciso sa bodega pagkaraan ng ilang minuto–presto, tumambad sa kanilang harapan ang libu-libong kahong imported at unregistered mosquito coils, motorcycle parts/accessories, kitchenwares, TV antennas, power tools, infringed toys, and books at maraming iba pa. Bahagi rin sa tagumpay na anti-smuggling operation ang ilang miyembro ng local Philippine National Police (PNP) at Barangay officials sa Pandi, Bulacan na hindi nagdalawang isip makipagtulungan upang maging epektibo at maayos na maipatupad ang LOA at MO.
Pansamantalang ilalagak ang kumpiskadong iligal na mga kargamento sa Customs security warehouse para sa kaukulang pag-iingat at imbentaryo dahil sa paglabag ng may-ari ng bodega sa Republic Act No. 8293 “Intellectual Property Code of the Philippines” and Section 1113 “Property Subject to Seizure and Forfeiture” under RA No. 10863, otherwise known as Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Congratulations, Guys! Especially kay Alvin Enciso na matindi naman talaga ang ipinapakitang gilas para sa aktibong paglaban sa smuggling. Keep up the good work and more power! Mabuhay kayo! Salute!