LUNGSOD NG CABANATUAN — Patuloy na inaalok ng Social Security System (SSS) Cabanatuan Branch ang pagrerehistro ng online account ng mga miyembro nito para sa mas mabilis na pagkuha ng impormasyon at pagproseso ng transaksyon.
Ito ang panawagan ni SSS Cabanatuan Branch Head Jose Rizal Tarun sa ikatlong Run After Contribution Evaders (RACE) Campaign na kanilang isinagawa kamakailan.
Ang pagrerehistro sa SSS online account ay nagbibigay sa mga miyembro ng mas pinadali at pinabilis na paraan upang pamahalaan ang kanilang SSS membership.
Kabilang na riyan ang madaling pag-access ng miyembro sa kanyang SSS account kung saan maaari niyang suriin ang kanyang personal record at contribution kung updated ang mga ito.
Gayundin, maaari nang magpasa ng aplikasyon ang mga miyembro gamit ang SSS online account para sa mga pautang at benepisyo katulad ng maternity, sickness, at retirement benefits.
Pahayag ni Tarun, hindi na kinakailangan magtungo ang mga miyembro sa opisina ng SSS upang kumuha ng impormasyon o mag-file ng loan dahil maaari na itong gawin sa SSS online account.
Maaaring magparehistro ang mga miyembro para sa SSS online account sa pamamagitan ng pagbisita sa website na www.sss.gov.ph.
Sa pagrerehistro, kinakailangan lamang punan ang online form gamit ang personal na impormasyon katulad ng buong pangalan, petsa ng kapanganakan, at contact information.
Matapos punan ang online form, kinakailangan namang lumikha ang miyembro ng kanyang username at password upang makumpleto ang pagrerehistro.
Makakatanggap ang miyembro ng email confirmation mula sa SSS kung matagumpay ang pagpaparehistro.
Kapag ito ay matagumpay nang naisagawa, maaari nang mag-log-in ang miyembro sa kanyang SSS online account gamit ang kanyang inirehistrong username at password.
Sa kasalukuyan ay patuloy ang pagsasagawa ng ahensiya ng RACE Campaign sa mga nasasakupan nitong employer at kumpanya upang masiguro ang tamang paghuhulog ng kontribusyon para sa benepisyo ng kanilang mga empleyado.
Kaya naman kaugnay ng kampanya, lubos ang panghihikayat ng ahensya sa mga miyembro nito, partikular sa mga empleyado, na magparehistro sa SSS online account upang masubaybayan rin nila ang paghuhulog ng kontribusyon ng kanilang mga employer.
SOURCE: Maria Asumpta Estefanie C. Reyes PIA3