Bulacan, ginunita ang ika-448 Anibersaryo ng Pagkakatatag, pormal na binuksan ang Singkaban Festival

Sina Gobernador Daniel R. Fernando at Bise Gob. Alexis C. Castro kasama si Department of Tourism–Region III Regional Director Dr. Richard G. Daenos, ang panauhing pandangal sa idinaos na komemorasyon ng Ika-448 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Lalawigan ng Bulacan sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center, Lungsod ng Malolos, Bulacan. Kasama rin sa larawan sina (mula kaliwa) mga Bokal Michael M. Aquino, Romina D. Fermin, Cezar L. Mendoza, Fortunato SJ. Angeles, at Nanunuparang Puno ng Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office Limuel Jan J. Lobederio.

LUNGSOD NG MALOLOS — Ginugunita ngayon Agosto 15 ang ika-448 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng makasaysayang Lalawigan ng Bulacan.

Sa kabila ng makulimlim na kalangitan at masamang panahon, buong pagmamalaking ginunita ng makasaysayang lalawigan ang pagkakatatag nito na ginanap sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center noong Biyernes, tampok ang halos limang siglo ng mayamang kasaysayan, makulay na kultura, ipinagmamalaking pamana, at hindi matitinag na diwa ng mga Bulakenyo.

Bitbit ang temang “Pagpupugay sa Ating Mayamang Kasaysayan, Pagtiyak sa Dakilang Kinabukasan ng Bulacan,” naging panauhing pandangal sa makabuluhang pagdiriwang si Department of Tourism–Region III Regional Director Dr. Richard G. Daenos, na mahusay na inihambing ang lalawigan sa isang mahalaga at walang-kupas na aklat na naglalaman ng 448 taong kasaysayan na binubuo ng mga pahinang mayamang naisulat at mga kabanatang naghihintay pang maitala.

“Kung ang ika-448 na Taon ng Pagkakatatag ng Bulacan ay kumakatawan sa lalim ng ating pinagmulan, ang Singkaban Festival naman ay kumakatawan sa patuloy na paglikha. Ang Singkaban ay isa sa mga paraan kung paano natin maisusulat ang matagumpay na pahina sapagkat ang isang bayan ay nabubuhay sa paraan kung paano patuloy na ginagamit, ipinagdiriwang at binibigyang kahulugan ng kasalukuyang henerasyon ang kanilang pamana,” ani Regional Director Daenos.

Lalo pang pinatingkad ni Gobernador Daniel R. Fernando ang kahalagahan ng araw na ito sa pagbibigay-diin na ang malalim na pamana ng Bulacan ay nagsisilbing walang-kupas na patotoo ng katatagan, tapang, at determinasyon ng mga Bulakenyo na patuloy na sumulong, habang nananatiling matatag ang kanilang pagkakaugat sa lokal na pagkakakilanlan.

“Mayroon tayong kasaysayan at pamana na dapat ipagmalaki at ipagpatuloy. Ngunit ang kasaysayan ay hindi lamang alaala. Ito ay pananagutan,” giit ni Fernando, kasabay ng panawagan na panatilihin ang balanse sa pagitan ng mabilis na modernisasyon at pangangalaga sa pamana habang tinatanggap ng lalawigan ang mga makabagong teknolohiya at malalaking proyektong pang-imprastraktura.

Nagdagdag naman ng malaking karangalan sa pagdiriwang ang pagkilala sa Bulacan Dreamers Philippines dahil sa kanilang kahanga-hangang pagkapanalo bilang 2nd Runner-Up sa 2026 Little League Senior Softball World Series sa Delaware, USA kung saan higit nilang pinagtibay ang kanilang katayuan bilang mga pandaigdig na kinatawan ng husay at galing ng mga Bulakenyo.

Naging hudyat rin ang pagdiriwang sa opisyal na pagbubukas ng pinakahihintay na Singkaban Festival—ang pangunahing pagtatampok sa sinining, kultura at mga tradisyon ng Bulacan kung saan pormal itong iprinisinta sa pamamagitan ng isang audio-visual presentation na naglahad ng masigla at kapana-panabik na hanay ng mga programa at aktibidad sa buong selebrasyon.

Nag-ugat noong Agosto 15, 1578, ang paggunita sa Araw ng Pagkakatatag ng Bulacan ay patuloy na nagsisilbing marangal na paalala sa dakilang nakaraan ng lalawigan at sa isang kinabukasang hitik sa walang hanggang potensiyal.