Hindi pumayag ang Bulakenyo buhat sa 19 na munisipalidad at 3 siyudad sa lalawigan ng Bulacan na maging Highly Urbanized City (HUC) ang Lungsod ng San Jose Del Monte base sa naging resulta ng plebesito kasabay ng isinagawang Barangay and Sangguniang KabataanElection 2023 nitong Oktubre 30.
Base sa official result mula sa inilabas na certificate of canvass ng board of canvassers ng Commission On Election (COMELEC) sa Bulacan, nasa 820,385 na Bulakenyo ang bumoto sa “NO” to HUC habang nasa 620,707 naman ang bumoto ng “YES”.
Ayon sa record, ang boto ng NO at YES ay galing sa kabuuang 1,608,004 na bumoto mula sa naitalang 2,092,248 registered voters sa buong probinsiya.
Nabatid na isang lungsod at isang munisipalidad lamang mula sa 4 na siyudad at 20 bayan sa lalawigan ng Bulacan ang lugar na nanalo ang YES vote at ang ibang lugar ay puro NO na ang ibinoto.
Ito ay ang Lungsod ng Meycauayan na nakakuha ng 61,214 boto sa YES habang 26,554 votes naman ang NO habang ang bayan ng Marilao ay mayroong 41,631 YES votes kumpara sa 33,579 votes sa NO.
Ito umano ay indikasyon at pagpapatunay na majority ng mga Bulakenyo ay hindi pumapayag na humiwalay ang CSJDM sa lalawigan ng Bulacan.
Magugunita na si CJSDM City Councilor Romeo Agapito lamang ang tanging konsehal sa nasabing lungsod ang tahasang tumutol sa panukala ng mag-asawang Congressman Rida Robes at Mayor Robes na maging isang ganap na independent city ang kanilang lungsod.
Maaalala rin na bagamat hindi nagdeklara kung saan panig ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa nasabing plebesito ay nagparamdam naman si Governor Daniel Fernando na wala aniyang ama na pumapayag na mahiwalay ang anak.
Nabatid na sakaling maging isang HUC ang isang lungsod ay hindi na ito magiging kaanib ng ano mang probinsiyang kinapapalooban nito at wala nang ano mang suporta na manggagaling sa kapitolyo dahil sa mayroon na itong sariling pamahalaan.