Natatanging kabataan pinarangalan sa ‘Gintong Kabataan Award’ 2022

OUTSTANDING BULAKENYO YOUTH. Sina Gob. Daniel R. Fernando at Bise Gob. Alexis C. Castro kasama ang Gintong Kabataan Awardees kabilang na sina (pangalawang hanay) Igg. Patrick S. Dela Cruz (SK Federation President Category), Igg. Miguel Alberto T. Bautista (Entreprenyur), Jessa Agustin, asawa ni Troy Justin P. Agustin (Bayani -Posthumous) at Miel Arthem Agustin (SK Barangay Council)-Longos, Lungsod ng Malolos; (pangatlong hanay) (Manggagawa Category): Zaldy N. Burce, Jr. (Propesyonal), Marco Rhonel M. Eusebio (Government Worker) at Jayson Jerald V. Rivera (Skilled Worker) at Samahan ng Makabagong Kabataang Progresibo (SAMAKA PO) Inc. sa pangunguna ni Jaymark Chico (Paglilingkod sa Pamayanan-Grupo), (ikaapat na hanay) Jhenica V. Llarina (Kagalingang Pang-Akademya at Agham para sa Secondary Level), John Kenneth L. Pagdanganan (Paglilingkod Pamayanan-Indibidwal), Ryan R. Corpuz (Kagalingang Pang-Akademya at Agham para sa College Level) at Paulo John M. Rubio (Sining at Kultura) sa ginanap na Gintong Kabataan Awards 2022 sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center, Lungsod ng Malolos, Bulacan noong Huwebes, Nobyembre 4, 2022. Nasa larawan din sina (mula kaliwa) mga Bokal Cezar Mendoza, Romina Fermin, Raul Mariano at Renato De Guzman, Jr. at ang mga tumanggap ng GK Special Citation (likod na hanay).

“Mula noon hanggang ngayon, ang pagiging Gintong Kabataan ng Bulacan ay naging sagisag na ng dangal ng mga bagong henerasyon ng Bulakenyong itaguyod ang larangang kanilang kinabibilangan, habang patuloy na namumuhay bilang mapanagutang mamamayan ng ating bayan. Narito ‘t kasama tayo ng mga marangal na kabataang gumagamit ng kanilang talento, katatagan, imahinasyon at may pagpapasya sa sarili upang umukit ng pangmatagalan na pagbabago sa ating nasyon at maging haligi ng inspirasyon sa kanilang napiling larangan ng pagpupunyagi.” 

 

Ito ang mensahe ni Gob. Daniel R. Fernando sa ginanap na Gintong Kabataan Awards 2022 sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center sa lungsod na ito kahapon. 

 

Pinuri niya ang mga pinarangalan at pinangakuan silang kanyang tutumbasan ang kanilang mahalagang naiambag sa pamamagitan ng episyenteng serbisyo sa mga Bulakenyo. 

 

“Tunay kayong dangal ng magiting na liping Bulakenyo! At bilang ama ng lalawigan, sisikapin kong suklian ang inyong mga ginintuang ambag sa ating lalawigan sa pamamagitan ng patuloy na pangangalaga sa kapakanan at kaligtasan ng bawat Bulakenyo”, ani Fernando. 

 

Siniguro din ni Fernando na ang kanilang tagumpay ay magbubukas ng marami pang oportunidad para sa mga kabataan, kung kaya’t mabibigyang-daan na lalo pang mahasa ang kapasidad, kakayahan, at kasanayan upang umani ng mas marami pang tagumpay na magtatanyag sa lipunan na kanilang kinabibilangan. 

 

Hinikayat din sila ng gobernador na patuloy na magmasid at makialam sa kasalukuyang estado ng lipunan at makiisa sa layunin tungo sa ganap na pagbabago sa komunidad. 

 

“Buhayin ninyo ang nag-aalab na pusong makabayang minana pa ninyo sa ating mga bayani. Sikaping maging bahagi din ng inyong tinatamasang tagumpay ang ating mga maralitang kababayan. Bigyan ninyo ng tinig ang ating mga kapwa Bulakenyo na nabubusalan ang bibig ng takot at diskriminasyon. Maging buhay nawa kayong patunay na ang kabataang Bulakenyo ay hindi kailanman sumusuko sa anumang hamon ng panahon at patuloy na nagpupunyagi gamit ang angking kakayahan at maigting na pananalig sa Diyos bilang sandata,” anang gobernador. 

 

Samantala, kabilang sa 2022 Gintong Kabataan Awardee sina Paulo John M. Rubio ng San Miguel para sa Gintong Kabataan sa Larangan ng Sining at Kultura; Jhenica V. Llarina ng Plaridel at Ryan R. Corpuz mula sa Lungsod ng Malolos para sa Gintong Kabataan sa Larangan ng Kagalingang Pang-Akademya at Agham para sa Secondary at College levels ayon sa pagkakasunud-sunod; John Kenneth L. Pagdanganan ng Calumpit para sa Gintong Kabataan sa Larangan ng Paglilingkod Pamayanan-Indibidwal at mula sa Lungsod ng Malolos, ang Samahan ng Makabagong Kabataang Progresibo (SAMAKA PO) Inc. sa pangunguna ni Jaymark Chico para sa Paglilingkod sa Pamayanan-Grupo; Zaldy N. Burce, Jr. ng Guiguinto (Propesyonal), Jayson Jerald V. Rivera ng Balagtas (Skilled Worker) at Marco Rhonel M. Eusebio ng Lungsod ng Malolos (Government Worker) para sa Gintong Kabataang Manggagawa; Rogen S. Ladon mula sa Marilao para sa Gintong Kabataan sa Larangan ng Isports (Indibidwal); Igg. Patrick S. Dela Cruz ng Lungsod ng Malolos para sa Natatanging SK Federation President at Barangay Longos ng Lungsod ng Malolos para sa Natatanging SK Barangay Council; Igg. Miguel Alberto T. Bautista mula sa Lungsod ng Malolos para sa Gintong Kabataan sa Larangan ng Entreprenyur at Troy Justin P. Agustin ng Plaridel para sa Gintong Kabataang Bayani (Posthumous). 

 

Gayundin, sampung indibidwal ang tumanggap ng 2022 Gintong Kabataan Special Citations kabilang sina Mateo Inigo S. Espocia at Mark Anthony A. Francisco mula sa Lungsod ng San Jose del Monte, Lei Andrei M. Navarro mula sa Lungsod ng Malolos, Diane A. David at Jhasmine C. Busran ng Marilao, JCI Baliwag Buntal at Analyn N. Cundangan ng Baliwag, Andrea Lindsay B. Duran ng San Ildefonso, Igg. Marbin DJ. Garcia ng Bulakan at Kayla Melyn V. Arellano mula sa Guiguinto. 

 

Ang GKA ay tatlong dekada na na prestihiyosong programa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan na nagbibigay parangal sa mga Bulakenyong kabataan sa pamamagitan ng Provincial Youth, Sports and Public Employment Service Office (PYSPESO) katuwang ang Gintong Kabataan ng Bulacan Alumni Association (GKBAA).