Dismayado ang mga residente ng Lungsod ng Malolos maging si Mayor Christian Natividad sa mga obstructed at abandoned flood control projects ng Department of Public Works and Higways (DPWH) na hinayaang nakatiwangwang dahil sa anomalya nadiskubre sa mga proyekto.
Nagpahayag ng pagkalungkot si Natividad sa kasalukuyang hakbang ng DPWH sa mga unfinished flood control projects sa kanilang lungsod na hinayaan nalamang ng ahensiya na nakatiwangwang at pinatigil nang mabatid na kasama ang mga ito sa flood control anomalies na kinasasangkutan ng mismong mga opisyales ng ahensiya.
Aniya, binugbog ng flood control mess ang Bulacan partikular na sa Malolos at nang pumutok ang anomalya ay iniwan na sa halip na ayusin, ipagpatuloy ay pinatigil at tinanggalan pa ng pondo.

Ang mensahe umano ng mga nabalam na proyekto ayon kay Natividad: “We have to live what is left behind ng flood control mess na ito, we have to live with it, we have to deal with it”.
“Ang gamot sa mga problemang ito ay ang itama ang proyekto, sa halip na ayusin at tapusin ay iniwanan at tianggalan pa ng pondo”.
Panawagan ng alkalde ay sana ay maintindihan ito ng nakatataas, ng national kung ano ang dulot na perwisyo nito sa mga mamamayan ng Malolos.
“Ano ang gagawin natin.. tatanawin na lang ba natin yang mga proyektong ginawa nila na hindi tapos,” wika ng alkalde.
Una nang nanawagan si Natividad sa DPWH noong nakaraang buwan na alisin ang mga obstructed pending flood control projects sa tatlong barangay sa lungsod kabilang na rito ang sa Atlag, Calero at Bagna.
Nabatid na ang mga naiwang slope protections gaya ng mga sheet piles sa gitna ng mga ilog ay nagdudulot ng mahinang daloy ng tubig na maaaring magpabaha sa maraming barangay ngayong tag-ulan.
Sa kasalukuyan ay isinasagawa ng DPWH Bulacan First District Engineering Office ang clearing operation sa mga naiwang proyekto alinsunod sa kahilingan ni Natividad na tanggalin ang mga nakabalam na proyekto dahil magsisilbi itong dahilan ng hindi magandang epekto sa problema sa baha sa nasabing lungsod.
Isa pa sa mga proyekto ng DPWH 1st DEO ay ang itinatayong water interceptor sa kahabaan ng Mac Arthur Highway o Manila North Road sakop din ng Malolos.
“Itong ginagawa nilang water interceptor, hanggang ngayon ay hindi pa nila masagot at maipaliwanag kung para saan yan,” ani Natividad.
Pilit umanong sinasabi ng ahensiya na kapareho ito sa konsepto ng City Government ng Malolosngunit tahasang sinabi ni Natividad na magkaiba ito dahil ang sa pamahalaang lungsod ay mayroong water treatment facility na gaya sa mga itinatayong building sa lungsod kung saan aniya ay ini-intercept ang tubig galing sa taas at galing sa sobra sa ibaba papunta sa treatment facility.
Ayon pa kay Natividad, sa huling pakikipag-ugnayan sa kanila ng DPWH ay mayroong itong tatlong buwan na ayusin lahat ang mga proyektong nabanggit at sakaling hindi maaayos ay isasampa ng pamahalaang lungsod ang preliminary mandatory injunction laban sa ahensiya.





