Kayo ba ay nakakita na ng aktuwal na komprontasyon sa pagitan ng dalawang drayber ng may halong galit, mismo sa kalsada, na humahantong sa sigawan, labis na paggamit ng busina o malalaswang kilos at pagbabanta? Pag- ‘cut’ ng isa pang sasakyan, pagmamaneho ng malapitan na halos nakadikit na sa likuran ng isang sasakyan, panggugulang o pagharang sa isa pang sasakyan upang hindi ito makaungos o makagamit ng ‘traffic lane,’ paghabol sa isa pang sasakyan na tila nangangarera o pagtakbo nito ng walang habas sa kalsada, at sadyang paghampas o pinsalain ang isang sasakyan?
Sa aking pagmamaneho ng mahabang panahon na rin, ay wala pa akong nakikitang ganitong sitwasyon sa kalsada. Ngayon sa Social Media o internet, partikular na sa Youtube ay ating namamalas ang mga ganitong pangyayari, salamat sa mga CCTV cam at mga Video cam na kuha ng mga netizens.
Dito ay nakakita tayo ng mga insidenteng, kapwa drayber ay hindi nagbibigayan sa pagpapatakbo ng kani-kanilang sasakyan sa lansangan. Makikita mo ang init ng ulo ng bawat-isa, may nagdi-dirty finger pa, at sa galit na rin ay mayroong drayber na mayhawak na baril na tila mukhang asong ‘pitbull,’ at akmang tutugis at handang puminsala o pumaslang ng kapwa-tao.
Tsk! Tsk! Tsk! Upang maiwasan ang mga ganitong eksena sa lansangan ay narito ang ilang solusyon ng Katropa laban sa galit sa kalsada. Iwasan ang pagiging agresibo sa pagmamaneho. Ito ay maaaring maging sanhi ng lalong mahabang paglalakbay papunta sa patutunguhan, magpasensiya sa pagsisikip ng trapiko, at sa pag-uugali ng ibang mga pasaway na drayber.
Maging handa na ibahagi ang kalsada sa iba pang mga drayber. Maging alerto at magkaroon ng kamalayan, sa mga galaw ng lahat ng iba pang mga gumagamit ng kalsada, kabilang ang mga nagmomotorsiklo, nagbibisikleta, at mga naglalakad. Dapat na lagiang tumingin sa kalsada sa unahan, sa likod at sa magkabilang gilid ng iyong sasakyan.
Asahan ang mga problema nang maaga at piliin ang pinakamahusay na paraan ng pagkilos kung sakaling may mangyaring hindi maganda. Pagbigyan at hayaang dumaan ang ibang drayber. Karaniwang nagmamadali ang mga nagmamaneho ng ‘road rage,’ kaya umalis ka sa kanilang daan nang hindi nakikisali.
Iyan ay upang maiwasan ang aksidente sa sasakyan tulad ng banggaan mula sa isang sasakyan patungo sa isa pa, maiwasang makasagasa ng tao habang tumatawid sa kalsada. Iwasang magmaneho na nakainom ng inuming nakalalasing o paggamit ng bawal na gamot. Huwag maging kaskasero na animo’y pagaari mo ang kalsada. Higit sa lahat ipakita ang paggalang at pagsunod sa batas trapiko. Hanggang sa muli.
88