Libu-libong Bulakenyo, nakisaya sa Singkaban Youth Concert

LUNGSOD NG MALOLOS- Libu-libong kabataang Bulakenyo ang nakisaya sa Nobita, Ace Banzuelo, The Vowels They Orbit, at Buildex Band sa punumpunong Singkaban Youth Concert na ginanap sa Bulacan Sports Complex sa lungsod na ito noong Miyerkules.

 

Kinanta ng Nobita na binubuo nina Jaeson Felismino, Mark Quintero, Sam Aquino, at Richmond Bancolita ang kanilang sikat na kanta na “Ikaw lang” at “Unang Sayaw” at iba pa.

 

Gayundin, itinanghal ni Banzuelo ang kanyang pamosong kantang “Muli”.

 

Samantala, si Claire Smith ang nag-host ng libreng konsiyerto, habang inaliw ni Smart Ambassador at Tiktok Content Creator na si Kevin Montillano ang mga Bulakenyo na nagtungo sa libreng konsiyerto na alay ng Smart Communications, Inc.

 

Nagpasalamat si Nickson James Mangunay, 15, mula sa bayan ng Plaridel, na nagtungo kasama ang kanyang ina at mga kapatid kay Gobernador Daniel R. Fernando at sinabi na naaliw sila sa isang gabing puno ng musika at saya.

 

“Masaya naman po ang concert and sulit dahil ‘yung dati po na may admission fee para makapasok ay wala na po ngayon,” ani Mangunay.

 

Tumugtog rin ang mga Bulakenyong bandang Forgetting 69 at Lunarlights para sa mga dumalo ng pre-show.

 

Matapos ang konsiyerto, humanga ang mga dumalo sa makulay at matingkad na fireworks display ng Solar Harvest sa Pasiklab sa Singkaban.