Kotse sinalpok kasalubong na motorsiklo, 2 patay, 2 sugatan

Patay ang dalawang rider ng motorsiklo makaraang salpukin ng isang kotse na nag-counter flow sa Manila North Road (Mac Arthur Highway) sa Barangay Borol 1st, Balagtas, Bulacan Linggo ng madaling-araw.
 
Kinilala ng pulisya ang mga nasawing biktima na sina  Ronald Arevalo, residente ng No. 728 Vicente Nieto St, Brgy Sto. Tomas, Sta Maria, Bulacan, at ang backrider nito na si Christian Caluag, 32, residente ng Bilucao 1st , Brgy Balasing, Sta Maria Bulacan.
 
 
Sugatan naman ang sakay ng kotse na sina Willard Kent Silverio, 28, at ang anak nitong si Louie Dane, 10-taon, kapwa residente ng Barangay Borol 1st, Balagtas, Bulacan.
 
Base sa panimulang imbestigasyon, bandang alas-12;10 ng umaga nang maganap ang insidente na kung saan ang motorsiklo na KYMKO VISA Motorcycle, na may Plate No. 2647 SM na sakay ang magka-angkas na biktima habang binagbagtas ang northbound ng Mac Arthur Highway ay biglang sumalubong (counter flow) ang isang kotse na Toyota Corolla na may Plate No. PTM 777 at sumalpok sa paparating na motorsiklo.
 
Sinuro rin ng kotse ang isang lugawan sidewalk vendor na nasa gilid ng kalsada bago bumaligtad at nagliyab.
 
Agad namang nailabas ang  mag-ama mula sa nagliliyab na kotse ng mga nakasaksi sa insidente gayundin ang dalawang sakay ng motorsiklo na mabilis na isinugod sa Bulacan Medical City subalit idineklarang dead on arrival.
 
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon at inaalam kung nakatulog ba o lasing ang driver ng kotse.