MARILAO, Bulacan – Magkatuwang na inilunsad ng Department of Tourism o DOT at ng Provincial History, Arts & Culture and Tourism Office o PHACTO ang ‘Kalutong Bulakenyo: A Guide to Culinary Heritage of Bulacan’ sa SM City Marilao, bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Kalutong Pilipino.
Isa itong coffee table book na naglalaman ng paglalahat ng kasaysayan, detalye ng paghahanda o pagluluto at katangian ng nasa 116 na mga potaheng Kalutong Bulakenyo.
Ayon kay Dr. Eliseo Dela Cruz, pinuno ng PHACTO, natipon ang mga impormasyon, kasaysayan at rekado ng nasabing mga kaluto sa pamamagitan ng isinagawang Food Mapping sa Bulacan na pinondohan ng DOT sa halagang P350 libo. Habang sinagot ng Richwell Colleges ang gastusin sa pagpapaimprenta.
Patunay aniya ang coffee table book na ito sa pagsisikap ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, na ang mga programa para sa preserbasyon at pagpapalaganap ng mga Kalutong Bulakenyo ay hindi pansamantala lamang kundi pangmatagalan.
Binigyang diin naman ni Department of Tourism o DOT-Central Luzon Regional Director Richard Daenos, na magsisilbing reperensiya ang ‘Kalutong Bulakenyo: A Guide to Culinary Heritage of Bulacan’ Coffee Table Book ng mga paaralan, kolehiyo at pamantasan na nagluluto ng gastronomy at culinary.
Sa gastronomy pinag-aaralan ang kaugnayan ng pagkain sa kultura. Habang ang kulinarya ay pag-aaral naman tungkol sa paraan o sistema ng pagluluto.
Layunin din aniya ng proyektong coffee table na ito na maimulat sa mga katutubong pagkain o Kalutong Pilipino ang mga bagong henerasyon kaysa matuto ng mga pagkaing banyaga.
Hiniling din ni Regional Director Daenos sa mga pamahalaang lokal na magpasa ng kani-kanilang ordinansa na mag-uubliga sa mga paaralan, kolehiyo at pamantasan na Kalutong Pilipino na gastronomy at culinary ang ituro.
Ito’y bunsod nang pagkakaroon ng mahabang exposure at matagal na kinamulatan ng mga kabataan sa mga banyagang potahe.
Sinasalamin ng mga potaheng Kalutong Bulakenyo ang mayamang pagsasaka at pangisdaan sa isang partikular na bayan o lungsod sa Bulacan.
Halimbawa sa mga latian ng lalawigan na nakaharap sa Manila Bay, tampok ang mga kalutong bunga ng masaganang huli sa dagat gaya ng Alamang sa Santol at Alamang sa Ampalaya sa Bulakan. Iba pa rito ang Nilagat na Hito sa kalapit na bayan ng Guiguinto.
Bukod sa pamosong Ensaymada at Inipit, marami ring nagluluto sa mga latian ng Malolos ng Kilawing Bangus na may Kesong Puti, Relyenong Alimasag, Paksiw na Biya sa Gata, Pangat na Talimusak at Hamonadong Sugpo.
Patuloy pa ring iniluluto sa lungsod ang mga Pamanang Kulinarya ng mga Kadalagahan ng Malolos na nagbigay ng petisyon sa Pamahalaang Kolonyal ng Espanya sa Pilipinas upang makapag-aral.
Kabilang sa mga resulta ng kanilang pag-aaral sa kulinarya na nakalimbag din sa coffee table book na ito ang Hamon Bulakenya, Pinaso, Nilagang Pasko, Gurgurya at iba pang pagkain na inihain noong panahon ng Unang Republika.
Dahil ang Bulacan ay pangunahing lalawigan sa Luzon na nagluluwas ng karne ng Baboy at Manok sa Metro Manila, kitang-kita ito sa mga natatanging potaheng kaluto gaya ng Estobado na isang bersiyon ng Kalderetang Baka sa Angat, Liempong Bocaue, Menudong Calumpit, bersiyon ng Nilagang Pasko sa Meycauayan na parehong karne ng Manok at Baboy ang nakasahog, Pakam ng Santa Maria, Chicken Galantina ng Balagtas, Serkele at Sinigang na Lechon ng Baliwag.
Sa mga kabundukang bahagi ng Bulacan, masagana rin sa mga potaheng kaluto gaya ng Inalibambangang Manok ng Donya Remedios Trinidad at Bulanglang ng Norzagaray.
Kaugnay nito, sinabi ni Gobernador Daniel R. Fernando na sa mga potahe na Kalutong Bulakenyo, hindi lamang mabubusog ang tiyan kundi maging ang isip at puso dahil hitik sa sangkap ng mayamang sining, kasaysayan at tradisyon ang mga pagkaing ito.
Kaya’t kailangan aniyang patuloy na ipreserba at pagyamanin upang maisalin sa susunod na henerasyon sa pamamagitan nitong ‘Kalutong Bulakenyo: A Guide to Culinary Heritage of Bulacan’ Coffee Table Book. Magkakaloob naman ng libreng mga promosyon ang SM City Marilao sa mga potaheng nilalaman ng aklat na ito.