HUC plebiscite ng San Jose del Monte, itinakda sa Oktubre 30

Tinatalakay ni Commission on Elections Provincial Election Supervisor Mona Ann Aldana-Campos (kaliwa) ang mga detalye ng isasagawang plebisito para sa pagiging Highly-Urbanized City ng San Jose Del Monte sa Oktubre 30, kasabay ng 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections. (COMELEC Bulacan)

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Itinakda ng Commission on Elections (COMELEC) sa Oktubre 30 ang plebisito para sa pagiging Highly-Urbanized City (HUC) ng San Jose Del Monte.

 

Batay sa inilabas na resolusyon ng COMELEC, idaraos ito sa buong lalawigan ng Bulacan.

 

Ayon kay Provincial Election Supervisor Mona Ann Aldana-Campos, gaganapin ang plebisito kasabay ng 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.

 

Nakasaad sa balota para sa plebisito ang tanong na  “Pumapayag ka ba na ang Lungsod ng San Jose Del Monte, lalawigan ng Bulacan ay gawing isang Highly-Urbanized City?” May isang patlang na nakalagay pagkatapos nitong pangungusap.

 

Ang mga salitang “Yes” o “Oo” ang tatanggapin ng COMELEC na sagot kung pabor maging isang HUC. Kung ayaw o hindi sang-ayon, maaaring isagot ang mga salitang “No” o “Hindi”.

 

Papayagan ng COMELEC na makapagsagawa ng mga “pulong-pulong”, opisyal na salitang ibinigay ng komisyon, isang beses kada barangay. 

 

Maaari itong gawin sa 573 barangay ng Bulacan mula Oktubre 19 hanggang 28.

 

Taong 2020 nang ilabas ni noo’y Pangulong Rodrigo Duterte ang Proclamation 1057 na nagdedeklara sa lungsod ng San Jose Del Monte bilang isang HUC matapos pumasa sa itinakdang pamantayan ng Department of the Interior and Local Government.

 

Kabilang dito ang pagkakaroon ng 760 libong populasyon na higit pa sa doble ng kailangang 200 libong populasyon. 

 

Nakakapagtala rin ang siyudad ng kita na nasa P1 bilyon na malayo sa rekisitong P50 milyon taun-taon.