Gov Fernando siniguro na walang pagbaha sa pagkasira ng rubber gate ng Bustos Dam

LUNGSOD NG MALOLOS – Siniguro ni Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council Chairman at Gobernador Daniel R. Fernando sa mga Bulakenyo na hindi magdudulot ng pag-apaw at pagbaha ang pagkasira ng Rubber Gate 3 ng Bustos Dam sa mga lungsod at bayan sa kahabaan ng Angat River.

GOV. DANIEL R. FERNANDO

“Wala pong dapat ikabahala ang ating mga kalalawigang naninirahan sa baybayin mula sa bayan ng Bustos hanggang Calumpit. Hindi po magdudulot ng pagbaha ang insidente ngayong hapon. Gayunpaman, sisiguruhin po natin na magkakaroon ng karampatang aksyon ang pangyayaring ito,” anang chairman ng PDRRMC.

Ayon sa situational report mula sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, ganap na 2:30 ng hapon, nasira ang rubber gate number 3 ng Bustos Dam dahil sa mainit na panahon na nagdulot ng pag-expand ng compressed na hangin at gas sa loob nito na naging dahilan ng pagtagas ng nasabing rubber gate.

 

“With reference to the present water level of Angat River from Bustos towards Calumpit, it is within yellow markings or low level status. Thus, the release of 2.38 mts. flowing to the stretch of Angat River towards Calumpit will not cause alarm,” ayon sa ulat.

Gayundin, ngayong 4:00 ng hapon, bumalik na sa normal na low level status at normal na bilis ng agos ang daloy ng tubig.

Matatandaan na noong 2022, nagbigay ng ultimatum sa mga contractor na ITP Construction Inc. at Guangxi Hydroelectric Construction Bureau Co. Ltd. si Fernando upang hindi lamang kumpunihin kundi palitan ang lahat ng anim na rubber bladders ng Angat Afterbay Regulation Dam o Bustos Dam, ngunit hindi pa rin naisasagawa.