LUNGSOD NG MALOLOS — Nanawagan si Gobernador Daniel R. Fernando ng mas mahigpit na pagbabantay at mas pinalakas na koordinasyon sa mga paaralan, lokal na pamahalaan, mga magulang, at komunidad kasunod ng sunud-sunod na insidente ng pamamaril at iba pang karahasan sa mga paaralan na naiuulat sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ayon kay Fernando, mahalagang hindi lamang nakatuon sa seguridad sa loob ng paaralan ang mga hakbang, kundi pati na rin sa wastong paggabay sa mga kabataan kaugnay ng paggamit nila ng social media at iba’t ibang online platforms.

“Unang-una, kailangan po nating bantayan ang paggamit ng mga kabataan ng social media at iba’t ibang gadgets, bantayan po natin ang kanilang partisipasyon dito. Nakikita naman po natin ngayon kung gaano kalawak at kalaya ang access nila sa makabagong teknolohiya tulad ng cellphone, laptop, at iba pang digital devices, kaya mahalagang mabigyan sila ng tamang gabay at pagmomonitor upang maiwasan ang masasamang impluwensya,” anang gobernador.
Bilang pagtugon sa mga insidente, sinabi ni Fernando na magsasagawa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ng serye ng pagpupulong kasama ang mga Parent-Teacher Association (PTA), mga opisyal ng barangay, school administrators, at iba pang stakeholders upang palakasin ang mga hakbang pangseguridad at mga programang pang-iwas sa karahasan sa loob ng mga paaralan at komunidad.
“Uunahin po natin ang mga Liga ng Barangay sa pangunguna ni Bokal Fortunato SJ. Angeles na ating representante ng mga kapitan, mga pinuno ng ating mga eskwelahan sa pangunguna ni Dr. Cecilia E. Valderama na Schools Division Superintendent, at ang mga pinuno ng iba’t ibang klase ng paaralan tungkol diyan,” dagdag niya.
Binigyang-diin din ng gobernador ang mahalagang papel ng mga guro, opisyal ng PTA, mga lider ng barangay, at mga barangay tanod sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, lalo na’t limitado ang bilang ng mga pulis na nagbabantay sa napakaraming paaralan sa lalawigan.
Dahil dito, hinikayat niya ang mas malawak na pakikipagtulungan ng mga volunteer groups, non-government organizations, at civic organizations upang makatulong sa mga programa para sa seguridad at proteksyon ng kabataan.
“Mahalaga po ang pagtutulungan ng komunidad, barangay, paaralan at mga kapulisan kaya kinakailangan pong paigtingin ng mga barangay ang pakikipagtulungan sa mga barangay tanod, gayundin sa mga multipliers tulad ng Bulacan Task Force, Kabalikat, at iba pang non-government organizations upang sama-samang mabigyang-pansin ang seguridad at kapayapaan sa ating mga paaralan. Hindi lamang po sa loob ng eskwelahan dapat nakatuon ang pagbabantay, kundi maging sa buong komunidad,” paliwanag ni Fernando.
Nanawagan din ang gobernador sa mga magulang na paigtingin ang paggabay at disiplina sa kanilang mga anak upang maiwasan silang malulong sa droga, mapabilang sa masasamang impluwensya, at masangkot sa mga gawaing maaaring humantong sa karahasan.
Iginiit ni Fernando na mahalaga ang responsableng paggabay ng mga magulang at aktibong pakikibahagi sa pagpapalaki ng mga anak upang mahubog ang mga kabataang may disiplina, respeto, at malasakit sa kapwa.





