Fernando, kaisa ni PBBM sa seguridad ng suplay ng pagkain sa bansa 

Sinaksihan nina Gob. Daniel R. Fernando at Punong Bayan Mark Cholo I. Violago ng San Rafael ang unang pagpapalipad ng multi-tasking agricultural drone kasama sina Panlalawigang Pinuno sa Pagsasaka Ma. Gloria Carrillo at Bokal Romeo V. Castro, Jr. sa bukirin ni Elizabeth Esguerra sa Brgy.Pinac-pinacan, San Rafael, Bulacan noong Martes na inaasahang makatutulong upang mapababa ang gastusin at pataasin ang kita at ani ng mga magsasaka gayundin ay makapag-ambag sa pagseseguro ng pagkain sa bansa. (PPAO Photo)

KAISA si Gobernador Daniel R. Fernando sa layunin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na maseguro ang sapat na suplay ng pagkain sa bansa. 

Bilang hudyat para sa hinahangad na mas masaganang ani at kita ng mga Bulakenyong magsasaka, ang unang pagpapalipad ng isang agricultural drone na binili ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ay pinangunahan ni Fernando noong Martes kasama ang Provincial Agriculture Office (PAO) sa may bukirin ni Elizabeth Esguerra sa Brgy. Pinac-pinacan, San Rafael, Bulacan.

Bago isinagawa ang aktwal na seed spreading gamit ang drone, nagbigay ng oryentasyon ang mga tauhan ng PAO kina Fernando, Punong Bayan Mark Cholo Violago ng San Rafael, Bokal Romeo Castro, Jr. at Punong Barangay Alberto Bautista at mga magsasaka ukol sa mga benepisyo at gamit nito.

Ayon kay Gng.  Ma. Gloria Carrillo ng PAO, ang nasabing multi-tasking drone ay isang makabagong equipment na nagpapagaan ng trabaho sa pagtatanim o pagsabog ng binhi sa kabukiran, pagi-spray ng pataba o kemikal upang labanan ang mga sakit at peste bukod pa sa napapabilis ang oras sa pagtapos ng gawain sa bukid. 

Aniya, mas ligtas itong gamitin dahil maiiwasang masugatan ng suso at iba pang debris sa bukid dahil ang nasabing drone ay siya mismong lilipad para magsabog ng mga punla nang hindi na kakailanganin pang lumusong sa  lupang sinasaka. 

“Malaki ang maitutulong ng mga makabagong  kagamitan na ito sa mga magsasaka upang makatuwang sila ng pamahalaan sa pagseseguro ng suplay ng pagkain ng bansa. Sisikapin natin dito sa Bulacan na patuloy na makasabay sa takbo ng modernong panahon na makatutulong sa pagtataas ng kakayahan, ani at kita ng ating mga magsasaka,” ani Fernando.

Samantala, bukod sa pagmomonitor ng paglipad ng drone seed spreader, sinubukan din ni Fernando na imaneho ang mechanical seed transplanter kasama si Violago at Castro para magtanim ng palay.

“Tunay nga po na isang malaking oportunidad ang hatid ng mga makabagong kagamitan na ito. At makaaasa po ang ating pamahalaang nasyunal sa pangunguna ni PBBM na laging nakasuporta at makikiisa ang Bulacan sa mga programa ng Kagawaran ng Agrikultura,” dagdag pa ng gobernador.