
LUNGSOD NG MALOLOS — Ipinag-utos ni Gobernador Daniel R. Fernando sa mga ahensiyang nangangasiwa sa disaster response at preparedness sa Bulacan na paigtingin ang mga hakbang sa paghahanda sa lindol kasunod ng malakas na pagyanig na tumama sa ilang bahagi ng Mindanao noong nakaraang linggo, ito aniya ay bilang paghahanda sa posibleng epekto ng tinatawag na “The Big One” sa lalawigan.
Sinabi ito ni Fernando sa idinaos na 2nd Quarter Joint Meeting ng Provincial Peace and Order Council, Provincial Anti-Drug Abuse Council, at Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict noong Huwebes, Hunyo 18, sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center sa lungsod na ito.
“‘Yung nangyaring lindol sa Mindanao, hindi rin natin alam ang mga susunod na maaaring mangyari. Kaya nananawagan po tayo sa lahat ng ating disaster and preparedness offices sa [bawat LGU] na maging handa po tayo at mas paigtingin ang paghahanda para sa mga posibleng mangyari dahil sa lindol,” aniya.
Ang The Big One ay tumutukoy sa inaasahang pinakamalalang senaryo ng lindol na may lakas na magnitude 7.2 o mas mataas pa na maaaring idulot ng paggalaw ng West Valley Fault, isang 100-kilometrong fault system na dumaraan sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan, kabilang ang Bulacan.
Kaugnay nito, inilahad ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa pangunguna ni Manuel M. Lukban Jr. ang mga paghahandang isinasagawa ng tanggapan, kabilang ang pag-convert ng kanilang operation room bilang 24/7 emergency operation center, pagsasagawa ng pre-disaster risk assessment, pagpapahusay ng mga monitoring system, at pakikilahok sa National Simultaneous Earthquake Drill, at iba pang preparasyon.
Nagpahayag din ng suporta ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa SIGLABAY o Sigla at Lakas ng Bayanihan, isang programang pinangungunahan ng Department of the Interior and Local Government Region 3 na nakatuon sa paghahanda ng mga komunidad laban sa lindol, kung saan ang mga benepisyaryo nito ay ang mga bayang matatagpuan malapit sa fault line.
Kabilang sa mga lugar sa lalawigan na dinaraanan ng West Valley Fault ay ang mga bayan ng Doña Remedios Trinidad at Norzagaray, gayundin ang Lungsod ng San Jose del Monte.
Hinimok naman ni Fernando ang mga Bulakenyo na manatiling mapagmatyag at gawing prayoridad ang kahandaan sa sakuna, dahil nakataya aniya ang buhay at kabuhayan ng mga mamamayan sakaling tumama ang isang malakas na lindol.
“Sobrang nakababahala po ang ganitong trahedya kung sakali, kaya huwag naman sana. Kasi unang-una, buhay at kabuhayan ang nakasalalay sakaling tamaan tayo nito. Kaya doble pag-iingat at paghahanda po ang bilin natin sa lahat ng Bulakenyo, lalo na sa malalapit sa fault line,” aniya.





