Bagong Malolos, modelo ng pangarap ni Rizal- FPGMA

Ginunita ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos ang Ika-165 anibersaryo ng kapanganakan ni Dr. Jose P. Rizal kung saan inialay ng mga Maloleño bilang parangal sa kanya ang pinagandang flyover dito at ang pagsasakatuparan ng pagkakaroon ng Sentro ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos.

Ang dating Pangulo at ngayon ay Kinatawan ng Ikalawang Distrito ng Pampanga na si Cong. Gloria Macapagal Arroyo ang panauhing pandangal sa nasabing pagdiriwang na ginanap sa makasaysayang Casa Real De Malolos kahapon ng umaga, (Biyernes) Hunyo 19.

Pinangunahan ni dating Pangulo at ngayon ay Kinatawan ng Ikalawang Distrito ng Pampanga na si Kong. Gloria Macapagal Arroyo ang paggunita sa ika-165 Anibersaryo ng Kapanganakan ni Dr. Jose P. Rizal sa Casa Real De Malolos at ang pag-aalay ng mga bulaklak sa kanyang monumento kasama si Gobernador Daniel R. Fernando ng Bulacan (pangalawa mula sa kanan) at Direktor ng Panlalawigang Tanggapan ng Pulisya ng Bulacan (PPO) na si PCOL Jay Baybayan (Kanan). (Larawan kuha ni: Shane Frias Velasco PIA-Bulacan)

Ayon kay Arroyo, ang mga nabanggit na proyekto ay nagsisilbing modelo ng pangarap ni Rizal para sa isang modernong Pilipinas.

“Nararapat lamang na magkaroon ang Malolos ng mga pangunahing imprastraktura dahil sa malaking kontribusyon nito sa pambansang kasaysayan mula sa pagbubukas ng Kongreso ng Malolos, pagpapatibay ng Konstitusyon ng 1899 at pagtatatag ng Pilipinas bilang isang Republika,” ani Arroyo.

Ang Republika ng Pilipinas ay itinatag bilang resulta ng Kalayaan na ipinaglaban ni Rizal kasama ng iba pang mga bayani ng bansa.

Kaya naman, noong araw ng kapanganakan ni Rizal, pormal na inilagay ang isang palatandaan sa Malolos Flyover, na itinayo ng dating pangulo noong 2004 bilang unang permanenteng steel flyover.

Sinundan ito ng pormal na paglalatag ng isang marker sa 10-ektaryang Malolos City Government Center na ipinagkaloob ng pambansang pamahalaan sa bisa ng Presidential Proclamation 597.

Dito rin matatagpuan ang bagong Malolos City Hall, Malolos Sports and Convention Center, Philippine National Police (PNP) Malolos City Police Office, National Commission for Senior Citizens at ang Malolos Central Transport Terminal kung saan matatagpuan ang Department of Foreign Affairs (DFA)- Consulate Office.

Sa kaniyang nobelang ‘El ‘Filibusterismo’, na isinulat ni Rizal habang naglalakbay sa United Kingdom, France, Spain hanggang sa mailathala ito sa Belgium, binanggit ni Dr. Rizal ang kaniyang pangarap para sa isang modernong Pilipinas kung saan magkakaroon ng sistema ng transportasyon tulad ng mga riles ng tren, maayos na mga kalsada, at mga institusyon ng gobyerno na mag-aalaga sa mga mamamayan.

Kaugnay nito, naitala sa maraming liham ni Rizal ang kanyang paniniwala na ang mga Pilipino ay may kakayahang pamahalaan ang kanilang sarili at ang Pilipinas, kaya hindi na kailangan ng isang kolonya.

Samantala, binuksan din ng dating Pangulo ang Salalayan, isang eksibisyon para sa ika-75 Anibersaryo ng Republic Act 646 ng 1951, ang Charter ng Order of the Knights of Rizal, sa loob ng Casa Real.

Dito idineklara ng dating Pangulong Emilio Aguinaldo ang unang Araw ni Rizal noong Disyembre 1898.

SOURCE: SHANE FRIAS VELASCO PIA-Bulacan