Sa halip na limitahan lamang ang kanilang responsibilidad sa pagpapatupad ng mga proyektong may kinalaman sa larangan ng palakasan, hinimok ni Gobernador Daniel R. Fernando ang mga SK chairman na kanilang palawakin ang kanilang mga tungkulin sa pamamagitan ng aktibong pakikilahok sa mga adbokasiya sa kalusugan sa kanilang mga barangay sa ginanap na Orientation of Measles Rubella-Oral Polio Vaccine Supplemental Immunization Activity sa Victory Church Malolos noong Miyerkules.
Bunsod ng nakaambang banta ng tigdas at polio outbreak sa mga bata sa buong bansa, layon ng Provincial Health Office-Public Health na mabakunahan ng Measles Rubella Vaccine ang 280,614 na batang nasa 9-59 na buwan at ng Oral Polio Vaccine sa 328,506 na batang nasa 0-59 na buwan.
Sa kanyang mensahe, hinimok ni Fernando ang mga SK Chairman na lumahok sa programa at pinaalalahanan hinggil sa pangangailangan na agarang pamamahagi ng bakuna sa mga batang wala pang 5 taong gulang dahil sila ang nasa pinakamataas na panganib na magkaroon ng tigdas at polio.
“Ako po ay humihingi sa inyo ng tulong bilang inyong gobernador, nananawagan ako na tulungan natin ang mga barangay health workers at iba pang public servants na maihayag ang programa na ito dahil tayo rin ay concerned para sa mga kabataang Bulakenyo lalo na sa mga hindi pa nababakunahan,” anang gobernador.
Samantala, maaaring tumanggap ang mga bata ng bakuna laban sa tigdas at polio sa pamamagitan ng fixed facilities ng lokal na pamahalaan, post facilities, at house-to-house method na sinimulan ng mga SK chairman at mga miyembro nito.
Tatagal muka Mayo 1-30, 2023 ang pagbabakuna sa MR-OPV SIA kung saan kabilang rin ang pamamahagi ng Vitamin A sa mga batang wala pang 5 taong gulang.
Ayon sa Provincial Epidemiology and Surveillance Unit (PESU), may kabuuang 41 hinihinalang kaso ng tigdas ang naiulat at naimbestigahan sa Bulacan na mas mataas ng 720% kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.