EDCA PABOR BA SA PILIPINAS?

Katropa Nakasentro ni: Vic Billones III

Medyo hindi kaiga-igaya ang nararamdaman ng Tsina sa kasalukuyan, sa nakikitang pagmamabutihan ng bansang Taiwan sa bansang US. Habang tumatagal ang ugnayan ng dalawang bansa, ang Taiwan at US ay lalong lumalakas. Andiyan bisitahin ng mga matataas na Opisyal ng US ang Taiwan, at higit ang pagpapakita ng puwersa militar ng US, upang bigyan ng proteksiyon ang Taiwan, laban sa Tsina na nagbabantang sakupin ito. Sa ibang opinyon na ating nakakalap, iniisip ng Tsina na sila ay sasakupin ng ibang bansa tulad ng US, na nakahanda sa digmaan.

Kapag may nangyaring sagupaan sa pagitan ng Taiwan at Tsina, sigurado ang US  ay papasok na sa eksena. At kapag nangyari yan na nasangkot ang US sa gulo ng Tsina at Taiwan, ang Pilipinas kung saan ngayon may mga military bases ang US, dahil sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA,) ay tiyak na madaramay.

Batay sa balita sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na ang EDCA ay para lamang makatulong sa Pilipinas, kung kailangan ng bansa ang anumang tulong. Iginiit niya na hindi papayagan ng ating bansa na gamitin ang ating mga base ng mga Kano, bilang bahagi ng EDCA para maglunsad ng mga opensibong pagatake, sabi ni Marcos sa Day of Valor commemoration sa Bataan, kamakailan.

Tsk! Tsk! Tsk! Ano ang layunin ng EDCA? Ang kasunduan ay nagpapahintulot sa Estados Unidos na paikutin ang mga tropa sa Pilipinas, para sa pinalawig na pananatili at nagpapahintulot sa Estados Unidos na magtayo, at magpatakbo ng mga pasilidad sa mga base ng Pilipinas para sa parehong pwersang Amerikano at Pilipinas. Pero hindi pinapayagan ang U.S. na magtatag ng anumang permanenteng base militar.

Nasaan ang apat na EDCA sites sa Pilipinas? Kabilang sa mga lokasyong siniyasat at tinasa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang Naval Base Camilo Osias sa Sta Ana, Cagayan; Lal-lo Airport sa Lal-lo, Cagayan; Camp Melchor Dela Cruz sa Gamu, Isabela at Balabac Island sa Palawan. Batay pa rin sa mga haka-haka na ating naringgan. Kapag nangyari na nga ang kinatatakutang digmaan, paniniyak na ang mga US military bases o EDCA sites ay papaulanan ng mga missile ng kalabang bansa. Sa puntong iyan ay maraming masasawi.

Sa isang banda naman, ayon sa isang nagsabi na magdadalawang isip ang bansang Tsina na lusubin ang Taiwan at giyerahin ang Pilipinas, dahil andiyan ang US, upang umayuda  sa anumang banta ng kalaban. Kapag ang Tsina ay dinigma ang US, andiyan ang The North Atlantic Treaty Organization (NATO,) na handang umagapay sa US. Kaya magiging mahinahon at magiisip ang Tsina na lusubin pa ang Taiwan at ang Pilipinas. Pero kapag ang bansang Tsina ay nilusob ng ibang bansa, ang puwersa militar nito at hindi mapasusubalian sa dami ng kawal at lakas ng mga sandatang  pamuksa na pang-giyera.

Sa panahon ngayon ay napakahina pa ng puwersang militar ng Pilipinas upang sumagupa sa bansang tulad ng higanteng Tsina. Kaya kailangan pa natin ng tulong mula sa maimpluwensiyang bansa. Para sa Katropa mas kampante ang bansa kapag andiyan ang tropang Amerikano na handang makibalikat sa mga sundalong Pinoy, laban sa anumang panganib na maidudulot ng digmaan. Mabuhay ang Pilipinas, hanggang sa muli!