Fernando, naglabas ng EO upang pigilan ang pagpasok ng baboy sa lalawigan

LUNGSOD NG MALOLOS- Bagaman walang kaso ng African Swine Fever (ASF) ang Lalawigan ng Bulacan simula umpisa ng 2023, inilabas ni Gob. Daniel R. Fernando ang Executive Order No. 13, series of 2020 o “An Order Prohibiting the Entry of Live Pigs and Its Meat Products Coming from Areas Affected by African Swine Fever (ASF) in the Province of Bulacan”.

African Swine Fever Bulacan
Gov. Daniel R. Fernando

Ayon sa gobernador, isinagawa ito upang siguraduhin na hindi maaapektuhan ang mga hakbang ng lalawigan upang muling padamihin ang bilang ng baboy at hindi masayang ang mga isinagawang aksyon.

“Since mayroon pong cases ng ASF sa ibang lalawigan lalo na sa gawing Visayas at dumadami ang hog traders na nagpapasok ng baboy sa ating lalawigan, kailangan natin itong i-regulate upang masiguro natin na hindi tayo mapapasukan ng mga ASF positive na baboy,” ani Fernando.

Base sa EO, ipatutupad ng lalawigan ang lubusang pagbabawal sa buhay, katay, luto, at iprinosesong karne ng baboy na magmumula sa mga lugar na apektado ng ASF na idineklara ng National Task Force for Prevention of ASF at ibang pang ahensya ng pamahalaan; habang kailangan munang kumuha ng letter of acceptance mula sa Provincial Veterinary Office (PVO)  ang magbibiyahe mula sa pink at green zones o iyong mga mula sa bufferprotected, at free zones na may kasamang negatibong resulta ng ASF test na hindi tatagal ng higit sa dalawang linggo mula sa oras ng pagbiyahe bago payagang makapasok sa Bulacan.

Gayundin, patuloy ang pagsasagawa ng PVO ng surveillance sa mga backyard raiser mula sa iba’t ibang lungsod at bayan; habang nagsasagawa ng test ang mga commercial farms at isinusumite ang resulta nito sa PVO.

Nagsagawa rin ang tanggapan ng Biosecurity Seminar para sa mga magsasaka mula sa lahat ng bayan at namahagi ng disinfectants upang pagbutihin ang biosecurity ng backyard farmers upang tulungan sila na umiwas sa ASF.