Bulacan pulis patay matapos mahulog mula sa patrol car at masagasaan

Ang biktima na si  Patrolman Edmond John Arenas, nakatalaga sa Bulacan Police na nasa ilalim pa ng sasakyang nakasagasa sa kaniya matapos una siyang mahulog mula sa sinasakyang patrol car bago nasagasaan.
Camp General Alejo S Santos, City of Malolos — Patay ang isang pulis nang mahulog ito mula sa patrol car bago masagasaan ng kasunod na government vehicle noong Miterkules ng umaga sa barangay Balite, San Miguel, Bulacan.
 
Kinilala ni Bulacan PNP director Col. Relly Arnedo ang biktima na si  Patrolman Edmond John Arenas, 26, residente ng Brgy. Buliran, Cabanatuan City, Nueva Ecija.
 
Si Arenas ay nakatalaga sa 2nd Provincial Mobile Force Company, na ang Patrol Base ay nasa Brgy. Buhol na Mangga, San Ildefonso, Bulacan, 
 
Base sa ulat, habang nakasakay ang biktima sa likod na bahagi ng patrol car na minamaneho ni Patrolman Klein Orbita papuntang southbound sa Manila bandang alas- 5:00 ng umaga nang bigla na lang itong mahulog.
 
Sa kasamaang-palad ay nasagasaan pa si Arenas ng kasunod na sasakyan na government-marked vehicle na Mitsubishi L200 na minamaneho ni Joel Rivera, 53,a residente ng 16 Urban Street, Ibung Villaverde, Nueva Vizcaya.
 
Nabatid na bago maganap ang insidente ay napansin na ng kasama nitong driver ang biktima na nahihirapang huminga at hinimatay na posibleng siyang dahilan kung bakit ito nahulog.
 
Agad itong isinugod sa San Miguel District Hospital kung saan hindi na umabot pa ito ng buhay.
 
Mahaharap naman sa kaukulang kaso ang driver na si Rivera na kasalukuyang naka-detine sa San Miguel Police Station.