Bulacan, gugunitain ang ika-124 Anibersaryo ng Republikang Pilipino ng 1899

LUNGSOD NG MALOLOS – May tema ngayong taon na “Unang Republikang Pilipino: Gabay Tungo sa Napapanahong Pagbabago,” gugunitain ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang ika-124 Anibersaryo ng Republikang Pilipino ng 1899 sa Pook Pangkasaysayang Simbahan ng Barasoain sa lungsod na ito sa Lunes, Enero 23, 2023, ganap na ika-8:00 ng umaga. 

Sasamahan si Gobernador Daniel R. Fernando ni Kinatawan Danilo A. Domingo bilang panauhing pandangal na pangungunahan ang pagtataas ng watawat at pag-aalay ng bulaklak kasama si Bise Gobernador Alexis C. Castro. 

Sa lahat ng progreso at pag-unlad na paparating sa lalawigan, siniguro ni Fernando na nananatili sa puso ng mga Bulakenyo ang pagkamakabayan at respeto sa lalawigan kung saan naitatag ang Unang Republika ng Pilipinas. 

“Sa modernisasyon at kaunlarang kinakaharap ng ating lalawigan, nais kong ipinta sa mga puso’t isip ng bawat Bulakenyo ang kahalagahan ng araw ng pagkakatatag ng Unang Republika ng Pilipinas. Ito ay araw ng pagdakila sa ating mga ninuno na inilaban ang demokrasya; ito ay araw ng pagkilala sa lalawigan bilang mahalagang bahagi ng kasaysayan,” anang gobernador.

Dadaluhan din ang programa nina Bulacan Provincial Director PCOL Relly B. Arnedo, OIC-Executive Director Carminda R. Arevalo ng National Historical Commission of the Philippines, Mayor Christian D. Natividad ng Lungsod ng Malolos at mga pinuno ng tanggapan at ibang kawani ng Pamahalaang Panlalawigan.