Bulacan, binigyang halaga ang kapakanan ng mga hayop sa pamamagitan ng libreng vet care sa Singkaban Festival

LUNGSOD NG MALOLOS — Bitbit ang malasakit para sa mga alagang hayop sa buong lalawigan, nag-abot ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Veterinary Office, ng mga libreng serbisyong beterinaryo sa ginanap na Veterinary Medical Mission noong Setyembre 14, 2026, sa PVO Building bilang bahagi ng pagdiriwang ng Singkaban Festival 2026 at ng programang Handog ng Pangulo: Serbisyong Sapat Para sa Lahat.

Umabot sa 413 na aso at pusa ang nakinabang sa libreng kapon at check-up, anti-rabies vaccination, at medical consultation sa isang araw na programa, kasabay ng pagbibigay ng mga gabay na babasahin sa mga pet owner upang higit na maisulong ang responsableng pag-aalaga ng mga hayop.

Binigyang-diin ni Gobernador Daniel R. Fernando na ang diwa ng Singkaban ay hindi lamang dapat nakatuon sa pagdiriwang ng kultura at pamana ng Bulacan kundi dapat ding maipakita sa pag-aaruga, pagprotekta, at pagbibigay ng pagmamahal sa mga alagang hayop na itinuturing na bahagi ng pamilya.

“Ang Singkaban Festival ay hindi lamang pagdiriwang para sa ating mga Bulakenyo, kundi pagkakataon din upang maipakita ang ating malasakit sa ating mga minamahal na alaga, bahagi sila ng ating pamilya, kaya nararapat lamang na mabigyan din sila ng kalinga, proteksyon, at wastong pangangalaga,” ani Fernando.

Hinimok naman ni Bulacan Provincial Veterinarian Dr. Voltaire G. Basinang ang mga pet owner na regular na gamitin ang mga serbisyong iniaalok ng PVO para sa pangangalaga sa kalusugan ng kanilang mga alaga.

“Ang Panlalawigang Tanggapan sa Paghahayupan ay laging bukas para sa inyong pangangailangan at maaari ninyong ma-avail araw-araw ang aming mga serbisyo,” ani Basinang.