Pormal na inilunsad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang “Bulacan 911 emergency hotline” upang palakasin ang kapasidad sa pagtugon sa panahon ng sakuna o kalamidad sa ginanap na launching nitong Huwebes ng umaga, Oktubre 28.
Gamit ang sopistikadong kagamitan at sinanay na Bulacan Rescue personnel, maaari ng itawag ang anumang emergency kabilang ang medikal tulad ng atake sa puso, stroke, mga aksidente, sunog, gumuhong gusali at mga natural calamities gaya ng baha, lindol at bagyo ng nangangailangan ng mabilis na responde.
Ayon kay Gobernador Daniel Fernando, ang paglulunsad ng 911 ay makakatulong sa Bulacan 566 na dati ng hotline telephone numbers ng Bulacan Rescue sa pagpapanatili ng pampublikong kaayusan, seguridad sa kaligtasan at pagpigil sa kriminalidad.
Aniya, sa pamamagitan ng Go Live 911 gamit ang software na Touchpoint, direktang maitatawag sa mga pinakamalapit na reresponde ang emergency upang higit na masuri ang sitwasyon at mapabilis ang pagresponde.
Ang mga tauhan ay sumailalim na sa iba’t ibang pagsasanay patungkol sa bagong emergency hotline.
Kabilang sa dinaluhang training ang PLDT 911 Seminar-Orientation, Emergency Telecommunicator Certification Training, Call Handling at Emergency Dispatch at ang lahat ng tauhan ng Communications, Command and Control Center ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office o PDRRMO ay sertipikado na.