Benepisyo ng 16,310 manggagawa sa Bulacan, nasiguro sa nakolekta ng SSS

Pinaigting ng Social Security System ang Run After Contribution Evaders sa bayan ng Santa Maria, Bulacan upang maagapayan ang mga employer na makapaghulog ng kontribusyon para sa kanilang mga manggagawa sa pamamagitan ng Pandemic Relief and Restructuring Program. (Shane F. Velasco/PIA 3)
 

SANTA MARIA, Bulacan — Tiyak nang hindi mawawala ang benepisyo ng may 16,310 manggagawa sa pribadong sektor sa mga bayan ng Santa Maria, Norzagaray, Angat at Donya Remedios Trinidad sa Bulacan sa pagkakolekta ng Social Security System o SSS ng 48.73 milyong pisong halaga ng kontribusyon.

 

Iyan ang ibinalita ni Mylene Siapno, branch manager ng SSS Santa Maria, sa ginanap na operasyon ng Run After Contribution Evaders o RACE. 

 

Nakolekta ito sa may 2,723 na naging delinquent employers sa nasabing mga bayan.

 

Kasunod nito, pinaigting pa ang kampanyang RACE upang makolekta naman ang 5.6 milyong piso pang hindi naihuhulog na kontribusyon ng anim na mga delinquent employers. Nakasalalay dito ang benepisyo ng nasa 206 na mga manggagawa.

 

Ipinaliwanag ni Vice President for Luzon Central 2 Gloria Corazon Andrada na ginagawa ito ng SSS upang matiyak na hindi magiging alanganin ang benepisyo ng mga manggagawa.

 

May pitong pangunahing benepisyo ang ipinagkakaloob ng SSS sa mga miyembro nito sa panahon ng kanilang panganganak, pagkawala sa trabaho, pagkakasakit, pagkabaldado, pagreretiro, pagkamatay at paglilibing.

 

Kung hindi aniya nababayaran ng employer ang kontribusyon nang tama ang kompyutasyon at sa tamang panahon, hindi matatamo ang mga benepisyo.

 

Dahil dito, nagiging pagkakataon ang RACE operation upang maagapayan ang mga employers na maiwasang maipasara dahil sa hindi pagtupad sa obligasyon.

 

Muling inialok ng SSS ang Pandemic Relief and Restructuring Program o PRRP 3 na isang condonation na nagpapalawig na mabayaran ang mga hindi naihulog na kontribusyon.

 

Sa pamamagitan nito, mayroong hanggang Nobyembre 22, 2022 ang isang delinquent employer para magsumite ng aplikasyon para magamit ang PRRP 3.

 

Mula sa araw na aprubahan ng SSS ang aplikasyon ng isang delinquent employer sa PRRP 3, maaari nang bayaran ang kontribusyon na may kaakibat na interest at penalties. 

 

Kung ang hindi nabayaran ay umaabot ng 50 libong piso pataas, pwedeng magbayad sa loob ng siyam na buwan.

 

Bibigyan naman ng limang taon na palugit kung ang hindi naihuhulog na kontribusyon ay aabot sa 10 milyong piso o mahigit. 

 

Ngunit kung lumipas ang Nobyembre 22, 2022 at hindi pa rin nagsumite ng aplikasyon ang isang delinquent employers sa kabila ng pagpapadala ng sulat, dito na magsasampa ng demanda ang SSS sa korte.