Babae natagpuan lumulutang sa ilog sa Bulacan

ISANG 20-anyos na 1st year college student na isang araw nai-report na nawawala ang natagpuang patay at lumulutang sa Marilao, Meycauayan Obando River sa Barangay Nagbalon, Marilao, Bulacan DSabado ng umaga.
Base inisyal na report ng pulisya, kinilala ang biktima na si Julliana Marie Billones, 20, estudyante, tubong Valenzuela City at residente ng Blk.9 Lot.4 San Marino St., Villaroma Phase 2 Barangay Saog, Marilao, Bulacan.
Nabatid na nitong Biyernes ay inireport ni Abigail Billones na umalis ang kaniyang anak Huwebes ng bandang alas-10:00 ng gabi matapos sila magkaroon ng pagtatalong mag-ina.
 
Mula noon ay hindi na bumalik ang dalaga at hanggang nitong Sabado bandang alas-900 ng umaga ay isang babae umano ang natagpuan patay at lumulutang sa Marilao river.
 
Ayon sa pulisya, nag-match ang suot na damit ng biktima sa unang nireport na nawawalang babae kaya’t agad na kinontak ang pamilya ng biktima.
 
Positibong kinilala ng ina ng biktima na ang babaeng natagpuan ay ang nawawala nitong anak.
 
Patuloy pang inaalam ng kapulisan ang tunay na pangyayari kung mayroong foul play sa pagkalunod ng biktima.
 
Ito na umano ang ikatlong babae na natagpuang patay sa lalawigan ng Bulacan, unang natagpuan patay sa madamong lugar sa Guiguinto, Bulacan si Princess Dianne Dayor, 24, noong nakaraang July 5, 2022; nasundan ito ng panggagahasa at pagpatay kay Princess Marie Dumantay, 15, taga-San Jose Del Monte City sa isang madamo ring lote sa Bustos, Bulacan nito lamang nakaraang linggo Agosto 12, 2022.