LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan (PIA) – Ginunita ng mga Bulakenyo ang Ika-40 Taong Anibersaryo ng Pagkamatay ni dating Department of National Defense Secretary Gen. Alejo Santos.
Itinaguyod ito ng Pangkat Saliksik ng Kasaysayan ng Bayan o PASAKABA sa pakikipagtulungan ng Provincial History, Arts & Culture and Tourism Office o PHACTO at ng Philippine National Police- Bulacan Provincial Police Office.
Sa ginanap na programang pang-alaala sa Kampo Alejo Santos sa lungsod ng Malolos, Bulacan, ipinahayag ni PLTCOL. Jacquiline Puapo, deputy provincial director for administration ng PNP- Bulacan Provincial Police Office, isang nangingibabaw na modelo ng isang kawal, pulis at lingkod bayan si Santos.
Pinatunayan aniya ito mula sa pagiging isang beterano, gobernador ng lalawigan, kinatawan ng Ikalawang Distrito ng Bulacan, komisyoner ng Reperasyon ng Pilipinas sa Japan at kalihim ng tanggulang pambansa.
Kaya’t para kay PHACTO Head Eliseo Dela Cruz, makatwirang dapat gawing taunan ang pagdadaos ng mga ganitong programang pang-alaala.
Ito’y upang maikintal sa mga kabataan ang haba at lalim ng naiambag ni Santos sa Bulacan at sa Pilipinas.
Gayundin ang pagkakaroon ng pagkakataon upang mabigyan ng inspirasyon ang mga kabataan na maniwalang posibleng magawa ang mga inaakalang imposible na pinatunayan ni Santos.
Kaya naman sa programang pang-alaalang ito, detalyadong inilahad ni Dela Cruz ang mahabang karanasan ni Santos mula sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig hanggang sa ganap na pagsasarili ng Pilipinas.
Unang nakilala si Santos nang pangunahan niya ang 31st Division ng United States Armed Forces in the Far East o USAFFE na kinabibilangan ng mga tropang Pilipino at Amerikano. Ang pwersang ito ang huling dumipensa sa Layac na nasa Pilar-Bagac Road sa Bataan.
Nang bumagsak ang Bataan at sumuko ang USAFFE sa kamay ng mga Hapon, kabilang siya sa mga pinarusahang maglakad sa ‘Death March’ pero matagumpay na nakatakas.
Naging pagkakataon ito upang matipon niya ang mga gerilya at natitirang kasapi ng USAFFE upang muling magpalakas at tumindig laban sa mga Hapon. Umabot sa 23 libong mga gerilya ang kanyang natipon kaya’t nabuo ang Bulacan Military Area o BMA na nakabase sa Bustos, Bulacan.
Mula rito ay nagsagawa ng mga serye ng raid at pocket battles laban sa mga Hapon kaya’t bago pa man bumalik ang mga Amerikano noong 1944, marami na silang napagtagumpayan na laban noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Ang kanyang katapangan at naiambag sa paglaban sa mga Hapon ay nagbunsod upang maihalal siya bilang gobernador ng Bulacan noong 1952.
Sa kanyang panunungkulan naideklara ang harapang bakuran ng Kapitolyo bilang BMA Memorial Park na handog sa kadakilaan ng mga kasama niyang lumaban at namatay noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Hinirang naman si Santos ni Pangulong Ramon Magsaysay bilang komisyoner ng Reperasyon ng Pilipinas sa Japan. Ito ang nag-asikaso sa bayad-pinsala ng mga Hapon sa bansa na umaabot sa halagang US$800 milyon.
Kabilang sa napondohan nito ang dieselization ng noo’y Manila Railroad Company o MRC noong 1956, na ngayo’y tinatawag na Philippine National Railways o PNR.
Taong 1959 nang mahirang si Santos bilang secretary ng Department of National Defense ni Pangulong Carlos P. Garcia. Dahil sa posisyong ito, naging tagapangulo siya ng Philippine Veterans Bank na nangangalaga at tumutugon sa iba’t ibang pangangailangang pinansiyal ng mga beterano ng digmaan.
Sa makabagong panahon, ipinangalan sa kanyang karangalan ang General Alejo Santos Highway na ipinagawa sa panahon ni Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr.
Isa itong daan na nag-uugnay mula sa panulukan ng Daan Maharlika sa crossing ng Plaridel na bumabaybay sa mga bayan ng Bustos, Angat at Norzagaray.
Samantala, personal ring nakiisa ang mga kaanak ni Santos gaya ng anak nitong si Liberty Santos- Dumlao at pamangkin na si Aleli Canoza.