LUNGSOD NG MALOLOS– “Bilang mga Pilipino, may tungkulin tayo na pangalagaan at pagyamanin ang kalayaang minana natin. Lahat tayo ay tinatawag na pagsikapan na isakatuparan ang mga pangarap ng bumubuhay sa pagnanais nating lumaya.”
Ito ang mensahe ng Punong Mahistrado ng Korte Suprema Alexander G. Gesmundo sa ginanap na Ika-125 Anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas sa bakuran ng Simbahan ng Barasoain sa lungsod na ito ngayong maulang umaga.
Sinabi rin ng punong mahistrado na lahat ay may karugtong na responsibilidad na dapat pasanin kasama ng mga karapatan at kalayaang tinatamasa nila.
“Tungkulin nating bantayan hindi lamang ang ating kalayaan at kapakanan kundi pati ng kapwa natin, ng bawat isa sa atin, at hindi lang para sa kapwa nating nabubuhay ngayon kundi para sa mga susunod na henerasyon,” ani Punong Mahistrado Gesmundo.
Gayundin, naniniwala si Gob. Daniel R. Fernando na tungkulin ng mga tao na gamitin ang biyaya ng kalayaan upang tulungan ang ibang tao at bigyan sila ng kakayahan na kontrolin ang isang bagong rebolusyon sa kanilang buhay, hanapbuhay, at hinaharap.
“Tayo ay tinatawagan na mag-ambag ng kakayahan at lakas upang palayain ang ating bayan sa patuloy na pagkaalipin, kawalan ng oportunidad sa buhay, kakulangan ng proteksyon sa lipunan, at mga banta ng kalamidad at karahasan,” anang gobernador.
Ang Ika-125 Anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas ay naka-angkla sa temang “Kalayaan. Kinabukasan. Kasaysayan”.