LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan – Natapos na ang konstruksiyon ng pitong palapag na E-Library Building sa Bulacan State University (BulSU)-Malolos main campus.
Isa itong modernong pasilidad na uubrang magamit sa iba’t ibang gawain at pagtitipong pang-akademiya at pangsibiko bukod sa pagiging isang aklatan. Ayon kay Arch. Marissa Parungao, head ng Project Management Office ng BulSU, may kabuuang P603.3 milyon ang ginugol dito mula sa mga pambansang badyet ng 2017 hanggang 2020 sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Sa loob ng nasabing halaga, P78 milyon ang mula sa pambansang badyet ng 2017, P120.6 milyon noong 2018, P96.2 milyon noong 2019 at P308.5 milyon noong 2020. Itinayo ang E-Library Building sa tapat ng main road ng campus na nakadugtong sa Manila North Road.
Katumbas ng anim na palapag ang lalim ng mga pundasyon na ibinaon dito upang maitayo ang pitong palapag na gusali. Ipinaliwanag ni Arch. Parungao na patunay ito ng katatagan ng istraktura na isa ring energy efficient.
Ang harapan ng bawat palapag nitong gusali ay dinisenyo na may malalaking bintana upang makapasok ang natural na liwanag mula sa sikat ng araw.
Matatagpuan sa unang dalawang palapag ang mga pangunahing pasilidad ng isang aklatan gaya ng general circulation. Nasa ikatlong palapag ang mga individual study rooms at ilalagak sa ikaapat na palapag ang tanggapan ng mga librarians.
Sa ikalimang palapag, mayroong small audio-visual room o AVR, discussion rooms, teleconference room at isang medium function hall na may kapasidad para sa 70 na katao.
Tampok sa ikaanim na palapag ang Cyber Hall na kasya ang 450 na katao na bawat isa ay makakagamit ng tig-iisang computer units.
Bubuksan naman sa ikapitong palapag ang isang teatro na may kapasidad para sa 250 na katao. Katabi nito ang 250 seater na big function hall na uubrang magamit sa mga forums, symposiums, seminars at iba pang gawain na nangangailangan ng isang conducive venue.
Kaugnay nito, nauna nang sinabi ni Dr. Cecilia Gascon, pangulo ng BulSU, na bahagi ang imprastrakturang ito upang higit na maihanda ang pamantasan sa makabagong pamamaraan ng pag-aaral ngayong Ika-21 siglo. Tiniyak din niya ang pagkakaroon ng isang malakas at maasahang koneksiyon ng internet sa bagong pasilidad.
Samantala, target maging operational ang E-Library Building sa BulSU-Malolos main campus bago matapos ang taong 2022. Makakasabay nito ang pagsisimula ng full face-to-face classes na inisyal nang sinimulan nitong Setyembre.